ECQ muling ipatutupad sa Metro Manila at karatig-probinsiya – Palasyo

  • Muling isasailalim sa ECQ ang buong Metro Manila at karatig probinsiya
  • Ito ay magsisimula sa Lunes, Marso 29 hanggang Abril 4
  • Ipatutupad rin ang dati nang nabalangkas na ECQ Guidelines

Muling isasailalim sa mas mahigpit na lockdown ang buong Metro Manila at iba pang karatig-probinisya upang mapigilan ang patuloy na paglobo ng kaso  ng COVID-19 simula Lunes, Marso 29.

Inanunsiyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque nitong Sabado nang hapon na inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng IATF na isailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) ang National Capital Region (NCR) at ang mga probinsiya ng Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.

Imahe mula sa PNA

Ito ay magiging epektibo umano sa Lunes, 12:01 ng madaling araw at mananatili hanggang sa ika-4 ng Abril.

“Naranasan na po nating mamuhay sa ilalim ng ECQ,” ani Roque. “Ito po ang pagpapatupad ng mga panandaliang hakbang na nagpapataw ng limitasyon sa galaw or movement at transportasyon ng mga tao at mahigpit na regulasyon ng operating industries.”

Ipatutupad rin ang dati nang nabalangkas na ECQ guidelines tulad sa pinaigting na presensya ng mga uniformed personnel at paglilimita sa kapasidad ng mga public transport base sa panuntunan ng Department of Transportation (DOTr).

Bukod dito, bubuo rin umano ang pamahalaan ng centers para magbahay-bahay upang maghanap ng mga nahawahan ng COVID sa mga pamayanan.

Pasay City lockdown| Imahe mula sa ABS-CBN News

“Talaga pong paiigtingin natin ang testing, contact tracing within 24 hours of detection… at kinakailangan nga po 95% of contacts must be traced and isolated and quarantined within 24 hours of case notification,” ayon pa sa kalihim.

Muli ring ipinagtanggol ni Roque ang IATF sa mga bumabatikos dito.

“Sa mga nagsasabi na kasalanan daw po ito ng IATF, siguro naman po ang karanasan ng buong mundo na dumami ang mga kaso ng COVID-19 dahil nga po sa mga bagong variant ay nagpapatunay na talagang ‘yung virus po ang kalaban, hindi po ang gobyerno, hindi po ang IATF,” pahayag pa ni Roque.

Sa kasalukuyan, ang NCR Plus ay nasa ilalim ng general community quarantine o GCQ at ipinatutupad din ang uniform curfew sa buong Kamaynilaan simula 10 pm hanggang 5 pm.

Loading…