Estudyante na lumabas lang ng bahay para kunin ang delivery na pagkain, hinuli ng mga tanod dahil sa curfew

Screenshot mula sa Facebook/ABS-CBN News video
  • Hinuli ng mga tanod ang isang estudyante sa QC dahil sa paglabag umano sa ipinatutupad na curfew
  • Kumuha lang daw ito ng pagkain mula sa delivery rider mga ilang metro lang ang layo sa tapat ng kanilang bahay
  • Paliwanag ng mga tanod masyadong malayo ang estudyante sa labas ng kanilang bahay kaya nila ito hinuli

Isang estudyante ang nagrereklamo matapos siyang hulihin ng mga tanod dahil sa paglabag umano sa curfew sa Brgy. Apolonio Samson, Quezon City.

Nakunan pa ng video ni LJ Cabangis, isang criminology student, ang kaniyang pakikipagtalo sa mg tanod habang sakay ng mobile patrol ng barangay.

Screenshot mula sa Facebook video ni Cabangis

Kuwento ni Cabangis sa PTV News, tinawagan siya ng delivery man dahil naliligaw ito kaya siya lumabas ng bahay na mga ilang metro lang ang layo pasado 10 pm nitong Lunes, Marso 29.

Nagkataon namang may mga nagrorondang tanod kaya siya dinampot ng mga ito. Nakita pa raw ng mga tanod ang nag-deliver sa kaniya ng Grabfood.

Sa video na ibinahagi ni Cabangis sa Facebook, ipinapaliwanag niyang lumabas lang siya ng bahay para kunin ang pagkain. Minura rin daw at ‘inambahan’ pa siya ng isa sa mga tanod na humuli sa kaniya.

LJ Cabangis| Screenshot mula sa video ng ABS-CBN News

Ayon naman sa mga tanod, dinampot nila si Cabangis dahil sa paglabag sa curfew. Ito ay alinsunod na rin sa ipinatutupad na enhanced community quarantine sa buong Metro Manila kung saan ipinagbabawal na ang paglabas ng bahay pagdating ng alas-6 nang hapon hanggang alas-5 nang umaga.

Malayo na raw kasi ang pinuntahan ni Cabangis na ayon naman sa estudyante ay mga limang metro lamang.

“Malayo po siya sa bahay… Nakita po namin siya pagbaba ng patrol namin bigla siyang nawala, sabi niya bahay namin ito,” paliwanag ni barangay tanod Carlito Miniano sa ABS-CBN News.

Screenshot mula sa Facebook video ni Cabangis

Kinalaunan ay pinayagan ring makauwi ang estudyante.

Subalit nagtungo na si Cabangis sa presinto ng pulisya para ireklamo ang mga tanod ng barangay.

Dahil sa pangyayari, nagpaalala ang awtoridad sa Quezon City na bawal na talagang lumabas ng bahay paglampas ng alas-6 nang gabi.

Dapat daw ay maabisuhan ang mga delivery rider na hindi puwede ang masyadong malayo para katagpuin sila upang kunin ang pagkain.

I-click ang larawan sa ibaba upang mapanood ang video ni Cabangis:

Loading…