“Express swab test” modus na mga Badjao ang binibiktima pinaiimbestigahan ni Yorme

Screenshot mula sa video ni Mayor Isko Moreno
  • Nadiskubre ng Special Mayor’s Reaction Team (SMART) ng Lungsod ng Maynila ang modus na “express swab test”
  • Dalawang suspek na nagpanggap na tauhan ng Manila City Hall ang dinampot ng SMART na ang mga binibiktima ay ang mga Badjao na gusto nang makauwi ng probinsya
  • Isanlibong piso ang singil ng mga suspek sa bawat pekeng swab test result na kailangan ng mga Badjao para makauwi ng probinsya

Pinag-iingat ni Manila Mayor Isko Moreno ang mga mamamayan sa mga nagpapanggap na tauhan ng Manila City Hall na nag-aalok ng “express swab test” sa halagang isanlibong piso.

Screenshot mula sa video ni Mayor Isko Moreno

Dalawang suspek ang iniharap ng pulisya kay Yorme matapos mabisto ang kanilang modus kung saan ang mga Badjao na gusto nang makauwi sa probinsyang pinanggalingan ang kanilang binibiktima.

Nasamsam mula sa dalawang suspek, isang babae at isang lalaki, ang tinatayang aabot sa isandaang pekeng swab test results.

Muling ipinaalala ni Mayor Isko na libre ang swab test sa Maynila.

Sabi ni mayor, dahil libre ay pinipilahan ang alok na swab test ng city government. Dahil mahaba ang pila ay marami umano ang naiinip. Ang mga naiinip na ito ang kadalasang binibiktima ng mga suspek na diumano ay posibleng miyembo ng isang malaking sindikato.

“Mahirap na nga, pinapahirapan n’yo pa. Dapat ‘pag hindi edukado, ginagabayan ninyo,” sabi ni Yorme sa dalawang suspek na nangatwirang tinutulungan lang nilang makauwi ng kanilang probinsya ang mga Badjao.

Screenshot mula sa video ni Mayor Isko Moreno

Batay sa isinagawang imbestigasyon ng Special Mayor’s Reaction Team na pinamumunuan ni Lt. Col. Jhun Ibay, ang mga Badjao na nabiktima ay umuupa ng matutulugan sa isang compound na pag-aari ng babaeng suspek habang hinihintay pa raw ang mga dokumento na kakailanganin para makauwi na sa probinsya.

Ang bawat Badjao ay sinisingil umano ng hanggang P1,500 na upa.

Screenshot mula sa video ni Mayor Isko Moreno

Loading…