Filipino high schools nag-uwi ng 4 gold, 3 silver sa ASEAN level research fair

Photo from Pexels
  • Apat na ginto at tatlong pilak, nasungkit ng tatlong sekundaryang paaralan sa AISEEF 2021
  • Nakuha nila ito sa ASEAN level science fair na isinagawa mula ika-17 hanggang 23 ng Pebrero
  • Higit 450 teams sa 20 countries ang sumali sa fair

Karangalan para sa bansang Pilipinas ang nasungkit ng tatlong sekundaryang paaralan sa Pilipinas makaraang magwagi ng apat na ginto at tatlong pilak sa katatapos lamang na ASEAN Innovative Science Environmental and Entrepreneur Fair (AISEEF) 2021, na isinagawa mula ika-17 hanggang 23 ng Febrero.

Image by AISEEF 2021 via Instagram

Ang mga ito’y ang Philippine Science High School – Main Campus (PSHS) sa Quezon City, Tagaytay City Science National High School – Integrated Senior High Schools (TCSNHS) sa Cavite at Sablayan National Comprehensive High School (SABNAHIS) sa Occidental Mindoro.

Nagsumite ang mga paaralan ng abstracts, presentation videos, at posters na may kaugnayan sa kanilang research project entries. Nahusgahan ang mga ito sa question and answer and case studies sessions.

Sa ilalim ng Innovative Science Awards, ginto at special award MIICA E Sertif ang naiuwi ng SABNAHIS para sa “Solar-Powered Palay Mixer and Piler Bot”, ginto rin ang nakuha ng TCSNHS para sa “Non-PoGen: Making a Non-Polluting Generator Incorporated with Dry Sanitation”, at ginto ang nasungkit ng PSHS para sa “Assessment of the antibacterial, and antibiofilm properties of Durian (Durio zibethinus) pericarp extract against Staphylococcus aureus, and Pseudomonas aeruginosa”.

Pilak naman ang nakuha ng TCSNHS para sa “Project FAWLIS: Flood Alert and Water Level Information System” at pilak din sa SABNAHIS para sa “Manual Flood Control with Alarm”.

Image by AISEEF 2021 via Instagram

Para naman sa kategoryang Environmental Science Awards, ginto ang naiuwi ng TCSNHS para sa pag-aaral na “Green Concrete: A Sustainable Concrete with Wood Ashes, Clay Pots, and Plastic Bottles as Alternative to Commercial Concrete” at pilak ang nakuha ng SABNAHIS para sa “Enhancing Fish Visual-Motor Coordination using Red Lights on Guppies”.

Nirepresenta ng tatlong sekundaryang paaralan ang Pilipinas mula sa higit 450 teams sa 20 countries na kalahok na kinabibilangan din ng Indonesia, Malaysia, USA, South Korea, Singapore, Sudan, HongKong, Yemen, Brazil, Turkey, Macau Sar, Mexico, Thailand, Macao, Iran, Nepal, Egypt, Iraq at Azerbaijan.

Image by AISEEF 2021 via Instagram

Loading…