Gatchalian ‘nasurpresa’ sa 99% na pumasang estudyante sa first quarter ng SY 2020-2021

Imahe mula sa LiCAS News
  • Nasurpresa si Sen. Gatchalian sa 99% passing rate ng mga estudyante nitong first quarter
  • Base ito sa report na isinumite ng DepEd sa Senate hearing
  • Nais pag-aralan ng senador ang assessment na ginawa ng DepEd para dito

Hindi naitago ni Senador Sherwin Gatchalian ang pagkasurpresa matapos lumabas sa ulat ng DepEd na mahigit sa 99 porsiyento ng mga estudyante ay nakakuha ng passing grade nitong first quarter ng school year 2020-2021.

Base kasi sa data na iprinisenta ni DepEd Undersecretary for curriculum and instruction Diosdado San Antonio, lumalabas na 99.13 percent ng halos 14.6 milyong estudyante sa pampublikong eskuwelahan sa buong bansa ay pumasa; habang nasa mahigit 126,000 naman ang bumagsak.

Imahe mula sa DepEd Facebook

Ito ay galing sa 156 ng kabuuang 223 school divisions sa bansa na nakapagsumite na ng kanilang report maliban sa mga eskuwelahang kabilang sa Ilocos Region, Central Visayas, NCR at BARRM.

Paliwanag ni San Antonio, ang ginamit na basehan nito ay ang performance task (PT) at written outputs ng mga bata. Kung anuman ang kanilang nakuhang marka, mapa-75 man, 80 o 90, lahat sila ay kasama na sa mga pumasa.

Subalit nagpahayag naman ng pagtataka rito si Senador Gatchalian.

Imahe mula sa Facebook account ni Sen. Win Gatchalian

“We’re not after the intention of misrepresentation of data. We just need to appreciate it fully. But for now, personally, this is my personal thought, it was just surprising that the results were all 99 percent,” ayon sa mambabatas.

Tanong pa ng senador, nangangahulugan ba ito na lahat ng turo ay naa-absorb ng estudyante at talagang natututunan, gayong nasa distance learning halos ang lahat.

“Of course I want all of them to pass but realistically we all know the performance of our students, so I’m quite surprised with that 99 percent passing rate,” wika pa ni Gatchalian.

Imahe mula sa PNA

Giit naman ni San Antonio, ang mga iprinisentang data niya ay galing lamang sa field report mula sa DepEd officials na ipinadala sa kanila. Bukod dito, nagkaroon din umano ng kaunting pagluluwag ang DepEd sa flexibility ng mga mag-aaral kung paano sagutin at isumite ang mga requirements.

Bagama’t hindi naman kinukuwestiyon ni Gatchalian ang DepEd tungkol dito, nais lamang umano niyang maintindihan kung paano ang ginawang assessment.

Ito ay upang malaman rin kung saan mahina ang mga batang Pilipino nang sa ganun ay mabigyan ito ng lunas.

Loading…