Ginang na mahilig magpahid ng beauty products namaga at namaltos ang mukha

Screenshot mula sa KMJS video
  • Kalunus-lunos ang sinapit ng  isang ginang na mahilig magpaganda sa pamamagitan ng pagpapahid ng mga beauty product sa mukha
  • Inisip ng mga kaanak niya na ang ipinapahid sa mukha ang dahilan ng nangyari sa ginang
  • Ipinaliwanag ng espesyalista na isang pambihira at malubhang karamdaman ang dumapo sa ginang at walang kinalaman ang ipinahid nito sa mukha

Pusturyosa at maalaga sa kanyang kutis ang ginang at lady guard na si Evelyn. Madalas siyang magpahid ng mga produktong pampakinis at pampaputi sa mukha.

Screenshot mula sa KMJS video

Nasanay na ang asawang si Romeo sa hilig ng misis sa pagpapaganda, pero nito lang nakaraang buwan ay biglang namaga ang mukha ng asawa kaya’t agad nila itong isinugod sa pagamutan.

Kuwento ni Romeo, isang linggo bago namaga ang mukha ni Evelyn ay napansin niya na may ipinapahid ito sa kanyang mukha – sa umaga bago pumasok sa trabaho at sa gabi pag-uwi ng bahay. Makalipas nga ang isang linggo ay may nangyari na sa mukha ng asawa.

Agad namang bumuti ang lagay ni Evelyn kaya nakauwi na siya, pero makalipas lang ang apat na araw ay namaga ulit ang mukha niya.

Nahirapan na rin daw ito sa paghinga kaya muling ibinalik si Evelyn sa pagamutan, subalit kinalaunan ay naging mas malubha ang lagay niya. Bukod sa pamamaga ay namaltos at nangitim ang balat nito sa mukha. Kumalat pa ang mga pamamaltos sa ibang bahagi ng kanyang katawan.

Ipinasok na siya sa ICU, pero ‘di nagtagal ay binawian siya ng buhay.

Iniisip ng asawa at mga anak na ang beauty product na ipinahid sa mukha ang dahilan ng nangyari kay Evelyn.

Screenshot mula sa KMJS video

Pero iyon nga ba?

Ipinaliwanag ng espesyalistang sumuri sa  kanya na si Dr.  Meccar Moniem Elino, na hindi ang beauty product ang “salarin”. Dinapuan umano si Evelyn ng pambihira at malubhang sakit sa balat na kung tawagin ay Toxic Epidermal Necrolysis.

Nagkataon lang daw na sa mukha ni Evelyn unang nag-manifest ang karamdaman kaya inisip ng mga kaanak niya na ang ipinapahid sa mukha ang dahilan.

Screenshot mula sa KMJS video

Ayon sa doktor, ang naturang kondisyon ay hindi raw nakukuha sa mga ipinapahid sa balat kundi isang adverse reaction sa gamot na nainom, tulad ng mga pain reliever. Sinabi umano ng kapatid at asawa ni Evelyn, may mga iniinom daw itong iba’t ibang mga pain reliever.

Sabi ng asawang si Romeo ay ipapasa-Diyos na lang niya ang sinapit ni Evelyn.

Tunghayan sa KMJS ang nangyari kay Evelyn:

Source :

YouTube, GMA

Loading…