Gobyerno nanawagan sa publiko na ‘wag mag-panic buying; may sapat na supply ng pagkain

Imahe mula sa BW Online
  • Nanawagan ang gobyerno sa mga tao na huwag mag-panic buying ng pagkain ngayong isasailalim na sa ECQ ang Metro Manila
  • Mayroon umanong sapat na supply ng pagkain sa mga pamilihan sa loob ng isang linggo
  • Hindi na kailangan ang travel pass at pinalawig rin ang oras ng curfew

Nanawagan ang Malakanyang sa publiko na huwag mag-panic buying kasunod ng pagdedeklara na muling isasailalim sa mas mahigpit na enhanced community quarantine (ECQ) ang Metro Manila at ilang karatig-probinsiya  simula sa Lunes, Marso 29.

Sa press briefing nitong Sabado nang gabi, sinabi ni Presidential Spokesperson na mananatiling bukas pa rin ang mga tindahan at groceries sa loob ng isang linggong nasa ECQ ang NCR Plus.

Imahe mula sa PNA

“‘Wag na po kayo mag-panic kasi hindi naman ito unang karanasan natin sa ECQ. Sa ECQ po, bukas po lahat ng supermarkets, bukas ang palengke, bukas ang convenience stores,” pakiusap ni Roque.

Tiniyak din umano ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) na may sapat na supply ng pagkain sa pamilihan.

“Wala pong dahilan para mag-panic-buying. HIndi po tayo mauubusan dahil bukas naman po ang mga mercado,” dagdag pa ng kalihim.

Nilinaw rin ni Roque na hindi na kailangan ang travel pass para makabiyahe subalit mas maganda pa rin daw na dalhin kung mayroong lumang naitago kung sakaling hanapin ito sa mga checkpoint.

Imahe mula sa The Straits Times

Samantala, ganito rin ang pagtitiyak na ginawa ni DTI Sec. Ramon Lopez sa panayam sa kaniya sa dzBB nitong Linggo nang umaga.

“Paalala lang, huwag mag-alala, huwag mag-panic buying. Maraming food supply, maraming imbentaryo. Kahit nu’ng first time tayo nag-ECQ, walang shortage ng necessities and prime commodities natin,” ani Lopez.

Mananatiling nasa ilalim ng ECQ ang Metro Manila at mga probinsiya ng Bulacan, Cavite, Rizal at Laguna hanggang sa ika-4 ng Abril.

Pinalawig na rin ang oras ng uniform curfew sa mga lugar na nabanggit mula 6 pm hanggang 5 am.

Loading…