Grade 5 student sumulat sa DepEd para punahin ang ‘gender bias’ sa module

Imahe mula sa Facebook ni Hess Lapid
  • Gumawa ng sulat para sa DepEd ang isang Grade 5 na estudyante sa South Cotabato
  • Ito ay upang punahin ang diumano’y ‘gender bias’ na module
  • Umani naman ng papuri sa social media ang ginawang pagpuna ng estudyante

Pinuri sa social media ang isang Grade 5 student sa Polomolok, South Cotabato matapos nitong punahin ang diumano’y ‘gender bias’ sa learning module na kaniyang sinasagutan.

Ibinahagi sa social media ni Michael Jess Lapid, ang ama ng batang estudyante na nakilalang si Miguel Lapid, ang sulat na ginawa ng huli pati ang larawan ng module.

Imahe mula sa Facebook ni Hess Lapid

Sa nabanggit na module ay pinasasagutan kung sa lalaki ba o sa babae makikita ang mga katangiang nakasaad tulad ng pagiging malakas, iyakin, astig, mahinhin, paiba-iba ang modo at matapang.

Sa sulat ni Miguel, na 11 anyos lamang, sinabi ng bata na tila may ‘gender bias’ ang module na pinasasagutan sa kanila.

“I feel that this is oddly gender biased since some males aren’t strong and tough, but some females are,” ayon sa bata. “Also females aren’t fragile, in fact, many are strong and brave.”

Nasasaad din sa sulat na ang pagiging lalaki ay hindi nangangahulugan na automatic na matapang at tigasin agad sapagkat marami rin umanong natatakot at umiiyak.

“So, in summary, this activity may hurt people who see it because of its stereotyping and bias,” wika pa sa sulat ni Miguel.

Kuwento ng amang si Michael sa ABS-CBN News, napansin niya umanong na-stuck ang kaniyang anak sa bahaging iyon ng module at tila nalilito rin dahil sa napansing ‘gender bias’ dito.

Imahe mula sa Facebook ni Hess Lapid

Dahil dito, pinayuhan niya umano ang bata na sumulat sa DepEd tungkol dito.

“Iniwan namin siya to work on his module and later on, pinakita niya na ‘yong letter niya,” bahagi ng ama.

Marami naman ang humanga kay Miguel na sa murang edad nito ay sensitibo na agad sa mga katulad na isyu. Pinuri din ng mga netizens ang magulang ng estudyante dahil sa maayos na pagpapalaki sa bata.

Hindi pa naglalabas ng pahayag ang DepEd tungkol dito matapos mag-viral ang post ng ama na sa kasalukuyan ay mayroon nang mahigit 17,000 reactions.

Loading…