Grupo ng teachers nakiusap na ipagpaliban muna ang mga virtual training ng DepEd

Imahe mula sa DepEd
  • Nakiusap ang isang grupo ng mga guro sa DepEd na ipagpaliban na muna ang mga virtual training
  • Marami na raw kasing ginagawang paperworks ang mga guro at madadagdagan pa ito
  • Nilinaw naman ng DepEd na ‘voluntary basis’ lamang ang training at hindi sapilitan

Nakiusap sa DepEd ang isang grupo ng mga guro na ipagpaliban na muna nga pagsasagawa ng mga virtual training na nakatakdang magsimula nitong Lunes, Marso 15, hanggang Biyernes, Marso 19.

Hiniling ng Teacher’s Dignity Coalition (TDC) sa DepEd na bigyan ng panahong ‘makahinga’ naman ang mga guro mula sa napakaraming paperworks na kanilang ginagawa araw-araw.

Imahe mula sa UNTV News

Hindi rin umano nakonsulta ang kanilang hanay tungkol sa mga online training na ito na gugugol ng halos walong oras sa You Tube sa loob ng isang linggo.

“There is also a great possibility that our teachers have already been affected physically, emotionally, psychologically, and mentally,” ayon sa grupo.

Hindi pa nga raw nakaka-recover ang ilang mga guro mula sa hirap na kanilang pinagdadaanan dahil sa pandemya, partikular na ang preparasyon sa modular learning na karamihan sa kanila ay nanibago at ang iba naman ay halos wala pang access.

Samantala, iginiit naman ng DepEd na ‘voluntary basis’ naman ang pagsali sa nasabing virtual training at hindi ito sapilitan.

Marami rin daw matututunan ang mga teachers dahil ang training ay tungkol sa DepEd TV, paggamit ng Learning Management System, paggamit ng DepEd Commons, access sa mga Open Educational Resources, paggamit ng mga educational tools ng Microsoft at Google, at marami pang iba.

Imahe mula FreeEducationalTools.com

“The training programs are being participated on a Voluntary Basis by teachers who are interested in enhancing their ability to deliver lessons more effectively under conditions where face to face classes are not possible,” pahayag ng DepEd.

Ang memorandum para sa pagsasagawa ng virtual In-Service Training (INSET) ay inilabas ng ahensiya noong Marso 4 at ito ay pirmado ni Undersecretary Alain Pascua.

Nilinaw rin ng DepEd na lahat ng training na isinasagawa ng ICTS-EdTech noong Abril hanggang Hunyo ng nakaraang taon ay pawang ‘voluntary basis’ at hindi required na sumali ang lahat ng guro kung hindi yaong mga gusto lamang matuto tungkol sa ‘education technology’.

Loading…