Habulin ang mga namemeke ng swab test result at ilegal na bumibili ng COVID-19 vaccine – Pres. Duterte

Imahe mula sa PNA
  • Ipag-uutos ni Pang. Duterte ang crackdown sa mga namemeke ng swab test results
  • Ipatatawag naman niya sa Malacañang ang mga bumibili ng COVID-19 vaccine nang walang awtorisasyon
  • Pinayagan naman ang private sector na bumili ng COVID-19 vaccine kung mayroon itong tripartite agreement sa pamahalaan at pharmaceutical companies

Ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na uutusan niya ang Philippine National Police at ang militar na habulin ang mga taong namemeke ng swab test result para lang makaiwas sa mga restriksyong ipinatutupad ng pamahalaan.

Screenshot mula sa RTVM video

Isasama rin daw niya sa iuutos na crackdown ang mga taong hindi awtorisadong bumibili ng COVID-19 vaccines.

Sa speech sa inagurasyon ng Port Operations Building sa Dumaguete City, sinabi ni Pangulong Duterte na aalamin niya mula sa mga medical experts kung bakit may mga swab test results na false positive at false negative.

“I have to talk to the medical — kasi hindi ko malaman if there is something that is really stupid going around. Kasi ‘yung iba magpa-swab ka, positive ka, but just to confirm, people go to another swabbing station at magpa-swab, negative. Kasi false positive, false negative. Hindi mo malaman ano ba ito, totohanan, o iba diyan peke,” aniya.

Nagbabala ang Pangulo na hahabulin ang mga namemeke ng swab test results.

“So, I will have to order the police again. Wala akong ibang mauutusan, hindi mo naman mautusan ‘yang mga doktor. I have to order the police and the military to find out and arrest these people,” aniya.

Imahe mula sa One News PH

Ipatatawag naman daw niya ang mga taong bumibili ng COVID-19 vaccine nang walang awtorisasyon.

“At saka ‘yang nagpapabili ng bakuna. Naku, huwag ka sanang mahuli. ‘Pag nahuli ka, ipatawag kita sa Malacañang,” babala pa ng Pangulo.

Sa ngayon, ang gobyerno lang ang maaaring bumili ng mga bakuna. Pinayagan naman ang private sector na bumili ng COVID-19 vaccine kung mayroon itong tripartite agreement sa pamahalaan at pharmaceutical companies.

Loading…