IATF nais ipabuwag ni Sen. Imee Marcos; palitan ng mga doktor at health experts

Screenshot mula sa RTVM video
  • Nais ni Senador Imee Marcos na ipabuwag na ang IATF
  • Dapat daw ay palitan ito ng mga doktor at health experts
  • Pabor naman dito si Senate President Tito Sotto

Nais ni Senador Imee Marcos na buwagin na ang Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases na siyang pangunahing ahensiya sa bansa na bumubuo ng hakbang para labanan ang krisis sa pandemya.

Kaugnay nito, hiling din ng mambabatas na palitan ang IATF ng isang grupo ng mga eksperto na bubuo at magbabalangkas ng mga patakarang  ibinase sa medical science.

Nakalilito na raw kasi ang ipinatutupad na panuntunan ng IATF sa gitna ng lumolobong kaso ng COVID-19 sa bansa.

Imahe mula sa Facebook account ni Sen. Imee Marcos

“Siguro panahon na para buwagin na ‘yung IATF at umpisa na tayo sa totoo na medikal na science-based at talagang makatutulong sa tao,” ani Marcos sa isang panayam ng mga mamamahayag nitong Lunes.

Wika pa ng senadora wala sa ayos ang naging pagtugon ng IATF sa pandemya bukod pa sa pinahirapan lalo nito ang mga mamamayang Pilipino.

“I think if there’s a new IATF, let’s begin with the policy establishment by the medical and the science people,” saad pa ni Marcos.

Nais ni Marcos na ang ipapalit sa IATF ay bubuuin ng mga doktor at health experts na ayon sa senador ay siyang tunay na nakauunawa ng sitwasyon kung gaano na ito kagrabe.

“Sila ang magdidiretso ng policy and after that ‘yung implementation paghati-hatian. At ikonsulta na ‘yung mga LGU, huwag ipapasa nang basta sa mga LGU,” dagdag pa ng mambabatas.

Screenshot mula sa RTVM video

Pabor naman dito si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na noon ay minsan nang nanawagan sa pagbibitiw ni Health Secretary Francisco Duque.

Ani Sotto, naniniwala siyang maraming magagaling sa DOH subalit ang pagtugon ngayon ng ahensya sa COVID-19 pandemic ay mukhang ‘naliligaw’.

Ang IATF ay pinamumunua ng DOH bilang chair, at Office of the Cabinet Secretary at Department of Environment and Natural Resources (DENR) bilang mga co-chair.

Kasapi rin dito bilang miyembro ang halos lahat ng Gabinete pati na ang Presidential Communications Operations Office, Office of the Executive Secretary, Office of the Presidential Spokesperson, Commission on Higher Education, Technical Education and Skills Development Authority, National Economic and Development Authority at Office of the Chief Presidential Legal Counsel.

Loading…