Ilang ‘corrupt’ na Immigration officials sangkot sa pagpuslit ng OFWs sa Syria –  Hontiveros

Imahe mula sa Facebook- Sen. Risa Hontiveros
  • Ibinulgar ni Hontiveros ang isa pang modus sa Immigration
  • Ipinupuslit umano ang ilang OFWs patungong Syria sa halagang $1,000
  • Isang biktimang OFW ang nagbigay ng kaniyang testimonya tungkol dito

Inakusahan ni Senador Risa Hontiveros ang ilang tiwaling opisyal ng Bureau of Immigration (BI) ng pagkakasangkot sa ‘pagbenta’ at ‘pagpuslit’ umano ng mga OFWs patungong Syria.

Sa ginanap na Senate hearing nitong Martes, ibinahagi ni Hontiveros ang recorded video ng pag-amin ng isang pinangalanang ‘Alice’ na naging biktima ng naturang modus. Si ‘Alice’ ay isa raw sa tatlong OFWs na humingi ng tulog sa tanggapan ng senador.

Imahe mula sa Facebook account ni Sen. Risa Hontiveros

Kuwento ng OFW, isang Immigration official ang sumalubong noon sa kaniya sa entrance ng airport, habang isa naman ang nag-assist hanggang makasakay siya ng eroplano.

Ang pangako umano sa kaniya ng kaniyang recruiter na si ‘Ana’ ay sa Dubai siya dadalhin. Si ‘Ana’ rin ang nagbayad sa mga BI officials para sa nasabing transaksyon.

“Naririnig ko … ‘Magbayad muna si Ana sa immigration bago palusutin ang mga tao ninyo.’ … bawat isa ay P50,000,” ayon kay Alice.

Subalit matapos ang dalawang linggong stop-over sa Malaysia ay nalaman niyang sa Syria pala siya magtatrabaho. Dito niya rin nalaman na sila ay ibinebenta pala sa halagang $1,000 bawat isa.

Imahe mula sa ASEAN Travel News

Nakaranas rin umano siya ng madalas na pang-aabuso at pananakit mula sa kaniyang mga amo at bodyguards nito. Bukod dito, kalahati lamang ng ipinangakong $400 ang kanilang natatanggap na sahod mula sa pagtatrabaho ng halos 17 oras kada araw.

“Nakaranas ako ng pananakit kasi nagpaalam ako na uuwi ako kaya nagalit sila, sinaktan ako. Tinatadyakan ‘yung tagiliran ko, sampal, sabunot. Hampas ng kahoy, ‘yan ang naranasan ko dito,” bahagi ng kawawang OFW.

Dahil sa pagbubulgar na ito, nanawagan si Hontiveros sa Department of Foreign Affair (DFA) at Department of Justice (DOJ) na imbestigahan ang nasabing modus sa Immigration.

“Samu’t saring klase na ang abuso ang naranasan nila. Tapos mukhang sangkot pa ang sarili nating opisyal sa pagpapahamak sa kanila. Our immigration officers seem to be sending our women into slavery,” ayon sa senador.

BI Comm. Jaime Morente| Imahe mula sa Wikipedia

Hihilingin niya rin umano sa BI ang pangalan ng opisyal na nagtatak sa Immigration papers ni Alice.

Kaugnay nito, suportado naman ni BI Commissioner Jaime Morente ang ginagawang imbestigasyon sa Senado at ang panawagan ng mambabatas.

Si Hontiveros, na chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, ay siya ring unang nagbunyag ng ‘pastillas scheme’ na sangkot din ang ilang opisyal ng Immigration.

Loading…