Ilang kumpanyang nag-aalok ng pekeng COVID vaccine iniimbestigahan na ng gobyerno

Imahe mula sa PCOO
  • Iimbestigahan ng gobyerno ang ilang kumpanyang nagbebenta ng pekeng bakuna
  • Sa ngayon raw ay may tatlong kumpanya na silang nasilip
  • Pinag-iingat rin ng FDA ang publiko dahil wala pang available na mabibiling COVID vaccine ngayon sa bansa

Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang diumano’y natanggap nilang ulat tungkol sa ilang kumpanyang nag-aalok ng pekeng bakuna kontra COVID-19, ayon sa National Task Force (NTF) chief at vaccine czar Sec. Carlito Galvez.

Ayon kay Galvez, may tatlong kumpanya silang nasilip at nakikipag-ugnayan na ang task force sa National Bureau of Investigation (NBI) at National Intelligence Coordinating Agency (NICA) tungkol dito.

Sec. Galvez| Screenshot mula sa RTVM Facebook video

“May tatlo kaming companies na pinaimbestigahan kasi we record check kung saan sila nanggagaling, and we found out na hindi sila authorized ng mother company ng mga vaccine,” bahagi ng kalihim sa ginanap na press briefing nitong Martes.

Bagama’t hindi muna binanggit ng opisyal ang pangalan ng tatlong kumpanyang ito, napag-alaman umano nila na kahina-hinala ang pagpasok ng mga ito sa bansa at nag-aalok ng bakuna sa mga local government units (LGUs).

Screenshot mula sa RTVM video

“That’s why we made a nationwide alert with the LGUs that if they will conduct negotiations with the different vaccine companies, it should be properly coordinated with us,” saad pa ni Galvez.

Tiniyak din ng kalihim na sasampahan nila ng kaukulang reklamo ang mga naturang kumpanya kapag napatunayang nagbebenta nga sila ng mga pekeng bakuna.

Samantala, nagbabala naman ang Food and Drug Administration (FDA) sa publiko na mag-iingat sa mga nag-aalok ng bakuna sa merkado.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Sa kasalukuyan ay Pfizer, AstraZeneca, Sinovac at Sputnik V ng Gamaleya Institute pa lamang ang nabibigyan ng emergency use authorization ng FDA.

Hindi pa rin umano maaaring mabili ang bakuna ngayon online, sa mga drug outlets, o maging sa mga clinic at hospital dahil ang available pa lang sa bansa ay libreng iniaalok ng gobyerno.

Loading…