Jollibee magbubukas ng bagong flagship store sa New York Times Square

Imahe mula sa NY Times
  • Magbubukas ang Jollibee ng flagship store nito sa New York Times Square
  • Ito na ang magiging pangatlong branch ng Jollibee sa New York City
  • Ang gusali ay may dalawang palapag at itatayo sa mahigit 7,000 sq. ft. na property

Magbubukas ng bagong branch ang Jollibee sa Times Square sa New York bilang bahagi ng plano ng kumpanya na magtayo ng karagdagang stores sa iba’t-ibang bahagi ng mundo.

Base sa ulat ng New York Business Journal, pumirma na umano ng lease contract ang Jollibee Foods Corporation (JFC) para sa mahigit 7,000 square feet kung saan itatayo ang planong flagship branch sa New York City.

Imahe mula sa Facebook-Jollibee USA

Malapit lang ito sa Times Square Ball sa 1500 Broadway. Ang gusali ay may dalawang palapag kung saan ang ground floor para sa retail space ay nasa 3,127 square feet ang laki, habang ang lower level naman ay nasa 4,000 square feet.

Ang kontrata ay inaayos umano nina Amira Yunis, Anthony Stanford, Henry Rossignol, at Elliot Ferris ng CBRE na siyang kumakatawan sa tenant at landlord ng Tamares Real Estate.

“The building’s premier retail space and LED signage in one of the city’s top destinations for consumer spending create an attractive location for Jollibee as the company continues its North American expansion and work to increase their New York City presence,” ani Stanford sa isang pahayag.

Times Square, New York City| Imahe mula sa Conde Nast Traveller

Maliban sa ilang branch sa buong Estados Unidos, ang Jollibee ay may kasalukuyang dalawang outlets sa New York – ang isa ay nasa Eighth Avenue malapit rin sa  Times Square habang ang pangalawa ay nasa Roosevelt Avenue sa Woodside, Queens.

Ang JFC ay may planong magbukas ng hindi bababa sa 400 branches at karamihan umano nito ay nasa labas ng Pilipinas, partikular na sa  North America, Vietnam at China.

Imahe mula sa Facebook-Jollibee USA

Ang Jollibee ang pinakamalaking fastfood chain sa bansa at isa sa pinakamabilis lumago na kumpanya sa buong Asia.

Sa kasalukuyan mayroon itong 3,217 sa Pilipinas maliban pa sa 2,607 stores sa labas ng bansa.

Loading…