Kaso ng South African COVID variant sa Pinas nadagdagan pa ng 52

Imahe mula sa BBC
  • Nadagdagan pa ang kaso ng South African COVID variant sa bansa
  • Umakyat na sa 52 ang kabuuang bilang  ng nahawahan ng nasabing variant
  • Nadagdagan rin ang bilang ng mayroong UK variant na nasa 118 na

Nadagdagan pa ng 52 bagong kaso ang nahawahan ng South African variant ng COVID-19 sa bansa base sa pinakahuling update mula sa Department of Health (DOH) nitong Biyernes.

Dahilan ito para umakyat na sa 58 ang kabuuang bilang ng mas nakahahawang variant (B.1.351 variant) na unang nadiskubre sa Nelson Mandela Bay sa South Africa noong Oktubre 2020.

Pasay City lockdown| Imahe mula sa ABS-CBN News

Sa inilabas na pahayag ng DOH, 41 umano sa mga bagong kaso ay may nakatalang address sa National Capital Region (NCR) habang inaalam pa kung ang nalalabing 11 ay mga returning overseas Filipinos (ROFs).

Isa naman sa mga taga-NCR ang gumaling na habang nananatiling active cases ang 51.

Unang iniulat ng DOH ang anim na unang kaso ng South African variant sa bansa noong Lunes, Marso 1; apat sa kanila ay residente ng Pasay City kung saan nakapagtala ng biglang pagtaas ng COVID-19 cases noong mga nagdaang linggo.

UK variant, ‘mutations of concern’

Maliban dito, nakapagtala rin ang DOH ng 31 bagong kaso ng UK COVID variant (B.1.1.7 variant) kaya umakyat na rin sa 118 ang bilang ng mga Pinoy sa bansa na nahawahan nito. Ang 28 sa mga pasyenteng ito ay may nakatalang address din sa NCR, habang inaalam pa kung ang 3 ay mga ROFs.

Ibinahagi rin ng ahensiya mayroon nang 42 kaso ng N501Y at E484K mutations, o tinatawag ngayong “mutations of potential clinical significance.”

Ang 34 sa mga ito ay pinaniniwalaang naninirahan sa Region 7 at 22 sa kanila ay gumaling na. Ang nalalabing 12 sa Region 7 at 6 sa NCR ay nanatiling active cases pa rin.

Ayon kay Duque, dumarami na ang lumalabas ng bahay| Imahe mula sa ABS-CBN News

Naniniwala naman si Health Secretary Duque na ang biglang pagtaas ng COVID cases sa bansa ay dahil dumarami na ang mga taong lumalabas ng kanilang bahay.

“Ang nakikita nating dahilan na may mga ganitong pagtaas nitong mga nakaraang araw ay dahil sa increased mobility ng mga tao. We’ll have to observe what will happen in the next few days. If makita natin na patuloy na mataas ang bilang, we can regroup and IATF can reconsider,” pahayag ng kalihim.

Kaugnay nito, tuloy-tuloy na ang vaccination program ng pamahalaan matapos dumating sa bansa nitong Biyernes ang nasa 487,000 doses ng AstraZeneca vaccine mula sa COVAX facility ng WHO.

Kasunod ito ng naunang dumating na 600,000 doses ng Sinovac na donasyon mula sa China.

Loading…