Lahat ng Holy Week activities sa Maynila kanselado

Imahe mula sa CBCP News
  • Sinuspinde ni Yorme ang lahat ng mga aktibidad sa Maynila na may kinalaman sa Holy Week
  • Kabilang dito ang penitensya, Visita Iglesia at caridad
  • Ito ay upang maiwasang magkaroon ng malakihang public gatherings na posibleng maging superspreader ng COVID-19

Sinuspinde ni Manila City Mayor Isko Moreno ang lahat ng mga aktibidad na ginagawa tuwing Holy Week bilang pag-iingat sa lumalalang health crisis sa lungsod.

Imahe mula sa Manila PIO

Inanunsyo ng alkalde na ang pagsasagawa ng penitensya, prusisyon, Visita Iglegia, caridad at iba pang mga ritwal na may kaugnayan sa Semana Santa ay pansamantalang sinuspinde upang maiwasang magkaroon ng mga malalaking pagtitipon ng mga tao na posibleng magiging superspreader ng coronavirus.

Aniya, “ang importante sa Semana Santa, ‘yung relasyon natin sa Diyos sa panahon kung saan siya nagbayad ng dugo para sa ating mga kasalanan. Magnilay-nilay tayo.”

Hindi na umano kakayanin ng lungsod na magbakasakali lalo na’t ang anim nitong district hospitals – ang Ospital ng Sampaloc, Sta. Ana Hospital, Ospital ng Maynila, Gat Andres Bonifacio Medical Center, Justice Abad Santos Memorial Medical Hospital, at Ospital ng Tondo – ay muli na namang dinaragsa ng mga pasyente dahil sa dumaraming kaso ng COVID-19.

“Mga kababayang nakikinig sa Maynila, itong anim na ospital ay nakararanas na ng alarming rate sa kanilang occupancy. Sapagkat kahapon ng alas-dose ay umabot na po tayo sa 55% occupancy rate. Two months ago, nasa 27% to 32% ‘yan,” pahayag ni Yorme.

Imahe mula sa Manila PIO

Sabi pa ni Yorme, patuloy ang city government sa mahigpit na pagpapatupad ng mga health protocols at granular lockdown. Sa katunayan, anim na barangay ang isinailalim sa 4-day lockdown dahil sa mga COVID-19 cases sa mga iyon.

Sabi pa niya, alam niyang nahihirapan ang mga mamamayan sa lockdown kaya naman hangga’t maaari ay hindi siya magpapatupad ng city-wide lockdown.

Gayunpaman, hindi umano siya mangingiming i-lockdown ang buong lungsod kung kinakailangan upang maprotektahan ang mas nakararaming mga Manilenyo.

Ang Holy Week ay magsisimula sa ika-29 ng Marso.

Imahe mula sa MnlOp

Loading…