Lost and found: Lottery ticket na nanalo ng $1 million naiwala ng winner, pero masuwerteng natagpuan pa

Imahe mula sa Tennessee Lottery
  • Ang sayang naramdaman ay napalitan ng kaba nang maiwala ng isang lalaki ang winning lottery ticket niya
  • Natamaan ng lalaki ang jackpot price na $1,178,746 sa Tennessee Cash game ng Tennessee  Lottery
  • Masuwerteng natagpuan pa niya ang ticket sa tabi ng isang kotse sa parking lot ng car parts store

Nag-panic ang isang lalaki mula sa Tennessee nang maiwala niya ang winning lottery ticket niya na tumama ng jackpot prize sa Tennessee Cash game ng Tennessee Lottery na binola noong March 10, 2021.

Imahe mula sa Tennessee Lottery

Ayon sa Tennessee Lottery, napanalunan ni Nick Slaten mula sa Sparta, Tennessee ang jackpot prize na $1,178,746 nang mag-match ang numero ng nabiling ticket sa resulta ng March 10 draw na 15, 24, 30, 34, 34, 5.

“I was stunned. I couldn’t believe it,” sabi ni Slaten sa karanasan niya.

Kuwento niya, pagkatapos ng maghapong trabaho niya bilang isang brick layer noong March 10 ay nagtungo siya sa isang local grocery store kung saan niya nabili ang winning lottery ticket.

Nang malaman niya kinabukasan na nanalo siya ng jackpot ay agad niyang pinuntahan ang fiancee niya sa pinagtatrabahuhan nito para ibalita ang magandang kapalaran. Marami pa siyang pinuntaha noon, kabilang ang pagsama niya sa kapatid na lalaki para bumili ng car parts. Pagkatapos ay nananghalian pa silang magkapatid.

Sa loob lang ng ilang oras, ang sayang naramdaman ay napalitan ng kaba nang malamang nawawala ang winning ticket. Mahangin pa naman noong araw na iyon kaya’t posibleng kung saan-saan na napadpad ang ticket.

Ang masama pa raw nito, maaaring i-claim ng sinumang makapupulot ng ticket ang jackpot prize.

Agad binalikan  ni Slaten ang lahat ng pinuntahan niya nang araw na iyon hanggang makarating sa car parts store kung saan niya nakita ang nawawalang ticket sa tabi ng isang nakaparadang kotse sa parking lot.

Imahe mula sa Tennessee Lottery

“It’s a million-dollar ticket, and someone stepped right over it,” aniya.

Gagamitin niya at ng fiancee ang napanalunan sa pagbili ng bahay at bagong mga sasakyan. Patuloy pa rin silang magtatrabaho at umaasa raw sila na makapamumuhay na nang walang pag-aalala.

Loading…