Madalas na biyaheng Manila-Davao ng Pangulo walang dagdag na budget – Palasyo

Imahe mula sa ABS-CBN News
  • Hindi pabigat sa gobyerno ang pabalik-balik na biyahe ng Pangulo sa Davao City
  • Maliit lang naman daw ang nadagdag sa tanggapan ng presidente, ayon kay Roque
  • Nakatitipid pa nga raw ang gobyerno dahil sa bahay lang halos nakatira si Pangulong Duterte

Hindi pinapasan ng taumbayan ang gastos sa pabalik-balik na biyahe ni Pangulong Duterte mula sa Manila at Davao City kung saan mayroon din siyang tanggapan.

Ito ang nilinaw ni Presidential Spokesperson Harry Roque matapos tanungin sa ‘The Mangahas Interviews’ kung totoo bang lumaki ang budget ng tanggapan ng Pangulo dahil nga dalawang opisina na ang kaniyang ginagamit ngayon – isa sa Malakanyang at isa sa Davao City.

IATF meeting sa Matina Enclaves, Davao City, Hunyo 2020| Imahe mula sa PNA

Ayon kay Roque, hindi naman ganun kalaki ang naging dagdag sa budget ng Office of the President kumpara sa mga nagdaang administrasyon at mas may benepisyo rin umano ang nangyayari ngayon dahil ang ‘seat of power’ ay nahati sa pagitan ng Manila at Mindanao.

Kung maaari nga lang daw ay manatili na lamang sa Davao ang Pangulo ‘to make a statement’, subalit hindi ito puwedeng mangyari dahil nasa mandato ng batas kung saan dapat ang seat of power ng gobyerno.

“Hindi naman po dalawa ang bureaucracy natin…Iisa lang po ‘yan kasi ang plantilla [position] hindi naman nadagdagan so ang budget hindi rin masyado lumaki,” paliwanag ni Roque.

“Kaya nga lang it is more relevant because he has devoted more time and attention to the least-developed area of the Philippines,” dagdag na pahayag ng kalihim.

Maliit lang din umano ang maintenance cost dahil ang maliit lang naman ang tinatawag na ‘Panacañang’ sa Davao kung saan tumutuloy ang Pangulo. Bukod dito, halos sa bahay rin mismo ng presidente tumutuloy ito kaya parang wala nang dagdag na gastos.

Imahe mula sa ABS-CBN News

“At kung makita n’yo ‘yung bahay niya, it’s very modest…Nakakatipid pa nga po tayo at saka ito lang ‘yung presidente na walang kagarbo-garbo ang residence,” ani Roque.

Tungkol naman sa maraming appointees ng Pangulo sa mga GOCCs at mga ‘revenue-rich’ na ahensiya ng gobyerno na nagmula sa Davao City, at maging sa kaniyang alma mater na San Beda, sinabi ni Roque na hindi umano maaalis sa Pangulo ang pumili ng mga taong mapagkakatiwalaan niya.

“Hindi mo matatanggal sa Presidente ‘yan . Appointments are a matter of trust and confidence. Of course, there are people from Davao,” paliwanag pa ng kalihim.

Loading…