Maganda at batang Japanese biker na sikat sa Twitter, nabistong 50-anyos na lalaki pala

Imahe mula sa Hype
  • Isang maganda at batang Japanese biker ang maraming tagahanga sa Twitter
  • Subalit nabisto kamakailan ang tunay niyang hitsura at katauhan
  • Nagduda kasi ang ilang netizens sa repleksiyong nakita sa isang litrato

Muling napatunayan ang sinasabi ng karamihan na kapag maganda ang larawan sa social media, magdalawang-isip muna bago paniwalaan.

Bagama’t hindi naman ito totoo para sa lahat, mayroon din talagang gumagamit ng ‘pinaganda’ o enhanced na litrato para lamang makakuha ng maraming likes o followers.

Mga imahe mula sa Twitter

Tulad na lamang sa isang Twitter user na may handler na @azusagakuyuki na kamakailan lamang ay nabistong malayo pala ang kaniyang hitsura sa mga larawang madalas niyang ibahagi.

Mayroong mahigit 17,000 followers sa Twitter si @azusagakuyuki at ang pangunahing dahilan dito ay ang mga larawan niya kung saan makikita ang isang maganda at batang babae katabi ang kaniyang mamahaling motorsiklo.

Mga imahe mula sa Twitter

Dahil tunay nga namang kabigha-bighani sa larawan, marami ang humanga sa kagandahan ng Japanese biker, dahilan para siya ay sumikat.

Subalit isang litrato niya ang hindi nakaligtas sa matalas na paningin ng mga netizens na naging daan para pagdudahan ang kaniyang tunay na katauhan.

Sa nasabing larawan ay makikita ang side mirror ng kaniyang motorsiklo, at sa salaming ito napansin ang repleksiyon ng isang medyo may edad nang lalaki.

Imahe mula sa Hype

Dahil dito, hinanap ng isang variety show sa Japan para sa isang interview si @azusagakuyuki na nakipagkasundo namang makipagkita sa isang lugar.

Nang dumating sa tagpuan at inalis na ang kaniyang helmet, tumambad ang isang lalaking may edad, na maliban sa kaniyang mahabang buhok, ay malayong-malayo ang histura sa bata at magandang babae na nasa mga larawan sa Twitter.

Imahe mula sa Mothership

Ayon sa lalaki, na nagpakilalang siya si Souya, edad 50, sinadya niyang gumamit ng ‘Faceapp’ para ‘gumanda’ at ‘bumata’ sa kaniyang mga pictures.

Paliwanag ni Souya kung bakit niya ito ginawa, nais raw kasi niyang magbahagi ng mga litrato kasama ang kaniyang motorsiklo subalit alam niyang walang papansin sa isang ‘uncle’ na tulad niya.

Sa kabila nito, patuloy pa rin ang pagdami ng followers ni Souya sa Twitter dahil marami pa ang hindi nakaaalam ng kaniyang tunay na ‘sikreto’.

Loading…