Malakanyang bukas sa panawagang ibalik ang natanggal na holidays: “Nothing is etched in stone”

Imahe mula sa Wikipedia
  • Bukas ang Malakanyang sa panawagang ibalik ang natanggal na holidays
  • Maaari pa naman umanong magbago ang desisyon ng Pangulo
  • Marami kasi ang umangal matapos gawing ‘special working’ days na lamang ang Nov. 2, Dec. 24 at Dec. 31

Bukas ang Malakanyang sa panawagang muling gawing non-working holiday ang tatlong araw ngayong taon na ginawa na lamang special working days.

Umani ng batikos mula sa mga manggagawa ang ginawang deklarasyon ng Palasyo na tanggalin sa listahan ng holidays ngayong 2021 ang All Souls’ Day (November 2), Bisperas ng Pasko (December 24) at Bisperas ng Bagong Taon (December 31).

Sec. Roque| Imahe mula sa Palawan News

Ayon sa paliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, ang pagbabagong ito ay base umano sa rekomendasyon ng mga economic managers upang tulungang makabangon ang lugmok na ekonomiya ng bansa.

Subalit inamin din ni Roque na hindi pa naman pinal ang lahat at maaari pang magbago ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Tingnan po natin kung ano’ng mangyayari. Nothing is etched in stone naman po. Tingnan natin, baka naman dahil may bakuna na, makabalik na tayo sa dati at baka hindi na natin kailangan maghabol pa,” wika ni Roque.

Tinanggal ang All Souls’ Day bilang holiday| Imahe mula sa Facebook

Nabatikos din si Roque matapos ang ginawang pahayag na napakatagal na umano ng naging ‘bakasyon’ ng mga Pilipino dahil sa COVID-19 kaya kailangang bumawi na tayo.

“Napakatagal na po nating nakabakasyon, halos isang taon na tayong nagbakasyon dahil sa COVID-19,” ani Roque sa ginanap na press briefing noong Martes.

“Siguro naman po, ngayong andito na ang bakuna, hayaan naman nating maka-recover tayo for lost time,” dagdag na pahayag ng opisyal.

Tinanggal rin ang Bisperas ng Pasko bilang holiday| Imahe mula sa FAQ.ph

Matapos almahan ng karamihan ang nasabing pahayag ng kalihim, nilinaw ni Roque na iba naman ang konteksto ng ibig niyang maiparating.

“Hindi naman po talaga bakasyon ‘yan, kung hindi, hindi nakapagtatrabaho. Kaya ngayon na pupuwede na po tayong makapagtrabaho sana dahil nagbubukas na tayo ng ekonomiya, hayaan naman nating kumita at makapagtrabaho ang ating mga kababayan,” paliwanag nito.

Loading…