Mangkok na nabili sa halagang $35 rare artifact pala na posibleng nagkakahalaga ng $500,000

Imahe mula s Sotheby's
  • Isang mangkok na nabili ng $35 natuklasang isang rare artifact na posibleng nagkakahalaga ng hanggang $500,000
  • Ang mangkok ay nabili sa isang yard sale sa Connecticut
  • Ang pambihirang mangkok ay isusubasta ng Sotheby’s auction house sa New York na gaganapin sa March 17

Ang maliit na porselanang mangkok na nabili ng isang lalaki sa yard sale sa Connecticut ay isa palang rare 15th century Chinese artifact na ang halaga ay posibleng nasa pagitan ng $300,000 at $500,000.

Imahe mula s Sotheby’s

Noong nakaraang taon nabili ng lalaki ang mangkok. Dahil naintriga siya sa itsura at disenyo noon ay kinunsulta niya ang ceramics expert ng Sotheby’s auction house upang masuri iyon. Noong una ay nagpadala lang ang lalaki ng larawan ng mangkok, pero kalaunan ay personal na niya itong dinala upang masuri nang malapitan.

Matapos ang pagsusuri ay saka lang nalaman ng lalaki na ang nabili niya ay isang pambihirang mangkok. Anim lang umano ang ganoong uri ng mangkok sa buong mundo na ang iba ay nasa mga museo sa iba’t ibang lugar.

“There are only six other such bowls known in the world. It is a very exclusive group,” pahayag ni Angela McAteer, ang head ng Chinese artworks sa Sotheby’s.

Ang dalawa nito ay nasa National Palace Museum sa Taipei, Taiwan, dalawa naman sa British Museum sa London at isa sa National Museum of Iran. Ang isa pa ay nasa pag-aari umano ng isang private collector.

Ang disenyo ng mangkok ay iginuhit noong panahon ni Emperor Yongle, ang ikatlong Emperor ng Ming Dynasty na naghari noong taong 1402 hanggang 1424.

Imahe mula s Sotheby’s

Nakatakda itong isubasta sa Important Chinese Art auction ng Sotheby’s sa New York na gaganapin sa ika-17 ng Marso at inaasahang maibebenta sa halagang $300,000 hanggang $500,000.

Sinabi ni McAteer na hindi masasagot ng mga eksperto ng Sotheby’s ang tanong kung paanong mula sa China ay napunta sa isang yard sale sa Connecticut ang pambihirang mangkok.

Loading…