Matapos ang reklamo ng ilang atleta, PSC ni-release na ang ‘delayed’ na allowance

Imahe mula sa PNA
  • Nagreklamo sa social media ang ilang atleta tungkol sa kanilang delayed allowance
  • Tatlong buwan na umano nilang hindi itong natatanggap
  • Nitong Huwebes, sinabi ng PSC na naibigay na nila ang para sa buwan ng Enero

Ini-release na ng Philippine Sports Commission (PSC) ang allowance para sa buwan ng Enero ng mga atletang nagsasanay para sa darating na Tokyo Olympics sa Hulyo.

Ito ay matapos maglabas ng hinaing ang ilang atleta tungkol sa diumano’y delayed na allowance na ilang buwan na nilang hindi natatanggap.

Marc Velasco| Imahe mula sa SPIN.ph

Paliwanag ni PSC national training director Marc Velasco, hindi kaagad ito naibigay dahil kailangan pang i-review ang line-up na ibinigay sa kanila, base sa performance ng mga athletes at coaches na kasali sa national pool.

“There has been a slight delay due to annual evaluation of athletes’ lineup (qualified for allowances) that has been submitted to PSC,” pahayag ni Velasco.

Nitong Huwebes, sinabi ng PSC na na-release na nila ang allowances para sa Enero at pinoproseso na rin ang para sa Pebrero.

Imahe mula sa Twitter

Noong Martes, idinaan sa social media ng boksingerong si Irish Magno ang kanilang reklamo dahil noong Disyembre pa umano sila huling nakatanggap ng allowance.

Mahirap daw ito para sa kaniya lalo pa’t ito rin lang ang inaasahan ng kaniyang pamilya sa probinsiya. Hindi rin daw siya makapag-training nang maayos ngayon dahil sa problemang ito.

“Masakit lang isipin lalo na’t ikaw lang inaasahan nila. ‘Yan (allowance) lang po inaasahan naming mga atleta. Sana magkaroon na,” ani Magno sa kaniyang Facebook, na kinalaunan ay tinanggal rin.

Irish Magno| Imahe mula sa CNN PH

Ganito rin ang sentimyento ng kaniyang kapwa-boksingerong si Eumir Felix Marcial. Ayon kay Marcial, ipinatanggal talaga umano kay Magno ang post nito kaya nagsalita na rin siya.

“Ngayon magiging masama ako dahil nagsalita ako at hindi ako nag-reach out. Last year pa lang nag-reach out na ako at nagtanong kayo kung ano ang kailangan ko dito at sinabi ko naman lahat ng kailangan ko dito pero hanggang ngayon walang nangyari,” wika rin ni Marcial sa kaniyang Facebook post.

Sa mensahe naman sa CNN Philippines ni Nesthy Petecio, isa ring boksingero, masuwerte siya kahit paano dahil may kaunting natira mula sa kaniyang napanalunan sa 30th Southeast Asian Games, at sa suporta ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP).

“Iniisip ko lang ‘yung mga iba kong kasamahan sa boxing at ibang sports na walang naipon at kita dahil hindi nakalaro sa SEA Games. Doon ako nag-aalala sa kanila na inaasahan lang talaga ang allowance,” ani Petecio.

Napilitang bawasan ng gobyerno ang monthly allowance ng mga national athelets kalagitnaan noong nakaraang taon dahil sa COVID-19 pandemic.

Loading…