Matulunging blogger pinahahanap ang batang naglalakad gamit ang mga kamay

  • Pinahahanap ng isang blogger ang isang 10 taong gulang na batang lalaki na may kapansanan sa balakang pababa sa kaniyang paa, na matatagpuan sa Davao Oriental
  • Itinampok ito sa news magazine show na Kapuso Mo Jessica Soho
  • Marami naman sa mga netizens ang nagnanais ding magpaabot ng tulong sa kaniya

‘Baligtad na mundo.’

Bumaligtad din ang mundo ng isang matulungin at pilantropong blogger na may FB name na ‘Lim Shiwen’ matapos mapanood ang tampok na kuwento ng batang si Ralph, 10 taong gulang mula sa Davao Oriental, na ‘baligtad ang mundo’ dahil sa kaniyang paglalakad gamit ang dalawang kamay. May diprensya kasi ang kaniyang mga binti, mula sa balakang pababa sa kaniyang mga paa.

Iitinampok ang kaniyang kuwento sa ‘Kapuso Mo Jessica Soho’ ng GMA Network.

Imahe mula sa Facebook page ng KMJS

“Hi dear followers! Sa mga followers ko na taga-Mindanao baka puwede ninyo akong matulungang mahanap itong batang to by sharing this post. Paki-message po ako sa kamag-anak niya or paki-tag po sila dito willing po akong bigyan siya ng bagong wheelchair at mga personal needs niya, ipinabibigay po ni God. Salamat in advance,” saad ni Lim  sa kaniyang Facebook post na may pamagat na ‘LOOKING FOR RALPH.’

Ayon kay Dr. Wesson Espiritu na isang orthopedic surgeon, ang sitwasyon ni Ralph ay tinatawag na ‘flexion contracture’ kung saan nakatiklop at nanigas na ang buto sa balakang pababa sa tuhod nito.

Bukod sa naturang blogger, naantig din ang damdamin ng mga netizens sa kuwento ng pakikipagsapalaran ng bata, na kahit na ganito ang sitwasyon ay patuloy pa ring lumalaban sa buhay.

“Yung mahihiya ka na lang sa sarili mo kasi akala mo pasan mo na buong mundo sa problema tapos may makikita kang mga ganito na mas grabe ang pinagdaraanan pero tuloy pa rin ang buhay. God bless you kiddo!” pahayag ng isa.

Imahe mula sa Facebook page ng KMJS

Turan naman ng isa, “Puwede sana mabigyan ng wheelcair kaso problema ang daanan kapag ganyan mahihirapan din siyang gamitin ito, at ‘yung mga batang kompleto at walang pinsala ang katawan, sana matuto kayong rumespeto sa kapwa ninyo! Magkaron kayo ng compassion. Pasalamat kayo na maayos kayong namumuhay!”

Wika naman ng isa, “Sana nga po mapaabutan natin ng tulong ang bata! Guwapong bata at may malinis na puso.”

Makikita sa opisyal na Facebook page ng GMA Public Affairs ang BDO Account Number ng ina ni Ralph para sa mga nagnanais na magpaabot ng tulong-pinansyal para sa kaniya.

Samantala, panoorin ang episode ng KMJS hinggil kay Ralph via Facebook:

Loading…