Mayor Isko sa mga nais buwagin ang IATF: “Puro lang satsat”

Imahe mula sa Facebook- Mayor Isko Moreno
  • Tutol si Manila Mayor Isko Moreno na buwagin ang IATF
  • Hindi raw alam ng mga nagsusulong nito ang tunay na sitwasyon sa kalsada
  • Si Senador Imee Marcos ang unang nanawagan sa pagbuwag ng IATF na sinang-ayunan naman ni Sendor Risa Hontiveros

Hindi sang-ayon si Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso’ sa panawagan ng ilang mambabatas na buwagin na ang Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases at palitan ito ng mga health experts.

Ayon sa alkalde, bagama’t mayroong mga pagkukulang ang IATF, hindi umano makatutulong sa sitwasyon ngayon ang paglansag sa task force na siyang pangunahing ahensiya sa bansa na bumubuo ng hakbang para labanan ang krisis sa pandemya.

Image by Isko Moreno via Facebook

“Deep inside me, alam ko marami namang pagkukulang ‘yung mga ilang tao but this doesn’t help the situation,” paliwanag ni Mayor Isko.

Hindi raw alam ng mga nagsusulong sa panawagang ito ang tunay na kalagayan sa kalsada.

“Maghunos-dili  kayo lahat. Wala naman kayo sa kalsada e. You’re not on the ground. We’re the ones implementing things. You’re the ones saying things. Puro lang satsat,” dagdag pa ng opisyal.

Noong isang araw ay nanawagan si Senador Imee Marcos na buwagin na ang IATF at palitan ito ng mga doktor at health experts na ayon sa kaniya ay siyang tunay na nakauunawa ng sitwasyon kung gaano na kalala ang krisis sa kalusugan.

Imahe mula sa Facebook ni Sen. Imee Marcos

“Siguro panahon na para buwagin na ‘yung IATF at umpisa na tayo sa totoo na medikal na science-based at talagang makatutulong sa tao,” ani Marcos sa isang panayam ng mga mamamahayag nitong Lunes.

BASAHIN: IATF nais ipabuwag ni Sen. Imee Marcos; palitan ng mga doktor at health experts

Sinang-ayunan din ito ni Senador Risa Hontiveros na nagsabi namang isang ‘system wide failure’ ang ginagawa ng IATF ngayon.

Kahit na kaliwa’t-kanang puna at batikos mula sa publiko at mga mambabatas ang natatanggap ng IATF, patuloy pa rin daw itong kumikilos patungo sa maling direksiyon, kung hindi man paatras.

Imahe mula sa Facebook ni Sen. Risa Hontiveros

“In denial din sila sa mga pagkukulang nila, kaya hindi maaayos yung pandemic response natin. We must undertake a complete management overhaul of the IATF,” wika ni Hontiveros.

At tulad ng panawagan ni Marcos, nais din ni Hontiveros na ang mamumuno sa IATF ay mga doktor at health experts tulad ng mga epidemiologists, at hindi mga uniformed o military personnel.

Loading…