Mga bakunang ipinadala sa mga probinsya gustong ipabalik ng DOH sa Metro Manila

Imahe mula sa DOH
  • Pagbawi ng mga bakuna mula sa probinsya ipinag-utos ng DOH upang magamit sa mga health frontliners sa Metro Manila
  • May mga probinsya raw na kaunti lang ang  nagpabakuna kaya posibleng mag-expire lang ang mga bakunang naibigay doon
  • Tutol si vaccine czar Sec. Galvez sa gustong mangyari ng DOH

Ipinababalik ni Department of Health Secretary Francisco Duque III ang mga COVID-19 vaccines na naipadala na sa mga probinsya para gamitin sa mga health frontliners sa Metro Manila.

Imahe mula sa DOH

“‘Yung mga hindi pa nagagamit sa ibang regions, padala na, bawiin, dalhin lahat sa Metro Manila. Mag antay-antay lang today or tomorrow, magre-redeployment tayo,” sabi ni  Sec. Duque.

Inalmahan naman ito ng mga local government units sa mga probinsya kaya naglabas ang kalihim ng isang paglilinaw hinggil sa pagbawi ng mga bakuna.

“Ang gusto ko linawin ngayon ay hihiramin lang natin ‘yan habang kulang ang bakuna at rumaragasa ang COVID sa National Capital Region, sa Region 4A, sa Region 3, sa Region 7 at sa Cordillera Administrative Region,” aniya.

Ang mga pagamutang babawian ng mga bakuna ay iyon daw kung saan kakaunti lang ang mga nagpapabakuna. Sayang naman daw kung aabutan ng expiration date ang mga iyon.

“Nakatanggap ako ng report na may mga ospital na mababa ang uptake, eh sayang naman at baka abutan ng expiration gaya ng AstraZeneca na tatlong buwan lang,” paliwanag ng kalihim.

Imahe mula sa PCOO

“Bakit hindi natin hiramin muna at dalhin dito sa may mga matitinding pangangailangan? Ginagawa naman talaga yan, matagal na naming ginagawa ‘yan.” giit pa ni Sec. Duque.

Ang vaccine czar na si Sec. Carlito Galvez ay hindi rin sang-ayon na bawiin sa mga probinsya ang mga bakuna. Maaari naman daw maghintay ang Metro Manila na mabigyan ng mga karagdagang bakuna mula sa mga parating na vaccines kabilang ang  1.4 million doses ng Sinovac at AstraZeneca ngayong buwan hanggang Abril.

Paliwanag niya, puwede namang i-concentrate ang deployment ng mga darating na vaccines sa mga most affected areas.

Imahe mula sa NTF
Source :

GMA , CNNPH

Loading…