Mga dating minero sa Baguio nakahanap ng pag-asa sa ‘green gold’

Imahe mula sa Czech Republic Embassy
  • Mga dating minero na nawalan ng hanapbuhay, nakakita ng pag-asa sa “green gold”
  • Ang “green gold” na tinatawag nila ay ang uri ng agrikultura na tinatawag na aquaponics o ang sabay na pag-aalaga ng mga isda at gulay
  • Ang aquaponics farm ay naitayo sa tulong ng Czech Republic

Nawalan ng kabuhayan ang maraming small-scale miners sa Barangay Atok Trail sa Baguio City sa lalawigan ng Benguet nang ipag-utos ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu noong September 2018 na isara ang mga maliliit nilang minahan.

Imahe mula sa Tribune

Sa kabila ng order ng DENR ay nagpatuloy pa rin ang ilegal na mining operation ng mga maliliit na minero hanggang sa tuluyan na silang nagsara dahil sa sunud-sunod na raid na ginawa ng pamahalaan sa kanilang mga minahan noong 2019.

Ang mga minahang nag-o-operate sa labas ng government-approved “Minahan ng Bayan” sa munisipalidad ng Itogon ay itinuturing na ilegal. Pero sa tulong ng isang non-government organization at ng Czech Republic ay nabigyan ng alternatibong pagkakakitaan ang mga minerong nawalan ng kabuhayan.

Noong March 2020 ay sinimulan ng Partners for Indigenous Knowledge Philippines (PIKP) at ng Batawil Small Scale Miners Association (BSSMA) ang aquaponics, na isang uri ng agrikultura na pinagsasabay ang pag-aalaga ng mga isda (aquaculture) at hydroponics o pagtatanim ng mga halaman sa tubig.

Imahe mula sa Czech Republic Embassy

Ang proyekto na nagkakahalaga ng P1.1 million ay tinustusan ng Czech Republic.

Noong October 2020  ay natapos na ang aquaponics farm at fully operational na na may mga alagang tilapia at mga gulay tulad ng lettuce at watercress o kangkong.

Nang pasinayaan ang aquaponics farm noong November 2020 ay naging bisitang pandangal ang Czech Ambassador to the Philippines na si Jana Sediva.

Imahe mula sa Czech Republic Embassy

Nagulat pa ang mga pulis na nag-escort sa ambassador dahil ang sumalubong sa bisita ay ang mga minero na dati nilang nire-raid.

Naaliw naman ang dating minerong si Honorio Chaokas sa hindi inaasahang muling pagkikita nila ng mga pulis.

Mabuti na rin daw ang nangyari dahil nakita nila ang “green gold” na minimina nila ngayon.

Imahe mula sa Czech Republic Embassy

Ang bahagi ng benta sa mga isda at gulay ay gagamitin sa maintenance ng aquaponics farm system. Ang mga asawa ng minero at miyembro ng PIKP ay tumutulong sa pagbebenta ng mga ani.

Ang naturang farm ay magiging isang training center din kung saan maniningil ng bayad sa mga nais matuto ng aquaponics.

Nakikita ng PIKP at BSSMA na balang araw ay magiging isang tourist attraction ang aquaponics farm.

Imahe mula sa Czech Republic Embassy
Source :

Inquirer, MZV

Loading…