Mga gulay bagsak-presyo dahil sa oversupply; mga magsasaka umaaray

Screenshot mula sa GMA video
  • Bumagsak ang presyo ng mga gulay dahil sa oversupply
  • Ikinatutuwa ito ng mga suking mamimili, subalit ang mga magsasaka naman ang nalulugi
  • Noong Marso ng nakaraang taon ay tone-toneladang gulay ang itinapon sa basurahan dahil sa oversupply

Problemado ang maraming magsasaka mula sa Benguet at Pangasinan dahil bumagsak ang presyo ng kanilang mga produkto dahil sa sobrang dami ng kanilang ani.

Screenshot mula sa GMA video

Kahit bagsak-presyo na ang mga gulay sa Benguet Agri-Pinoy Trading Center ay hindi  pa rin nabibili ang mga iyon kaya posibleng itapon na lang ng mga magsasaka ang mga matitirang paninda.

Noong buwan din ng Marso noong nakaraang taon, matatandaang itinapon na lang ang isang toneladang repolyo at mga carrots dahil sa oversupply.

Ang bagsak-presyo sa trading center sa Benguet ay ramdam din sa mga pamilihan sa Maynila. Ikinatutuwa ito ng mga suking mamimili dahil mas marami na silang nabibiling gulay dahil sa mababang presyo, ngunit ang mga magsasaka ay nalulugi.

Ayon kay Sammy Ballesteros, isang magsasaka mula sa Urdaneta, Pangasinan, napakatumal daw ng bentahan ng gulay nila. Noon daw ay hindi sila inaabot ng liwanag sa bagsakan ng mga gulay kahit gaano karami ang idinedeliver niya, subalit ngayon bukod sa inumaga na sila ay kakaunti lang ang nabawas sa mga gulay na dala.

Screenshot mula sa GMA video

Ayon sa Department of Agriculture (DA), kadalasang bumababa ang presyo ng mga gulay tuwing buwan ng Marso dahil sa magandang panahon na nagreresulta sa maraming ani.

Sinabi ng tagapagsalita ng DA na si Assistant Secretary Noel Reyes na nagbigay na ng instruction si DA Secretary William Dar sa mga Regional offices ng ahensya na huwag nang hintayin pang dumating sa punto na maitapon na lang sa basurahan ang sobra-sobrang gulay.

“Kapag may oversupply mismong ang DA na ang mamimili,” aniya.

Magtatayo rin daw ang ahensya ng mga vegetable processing facilities kung saan gagawing processed foods ang sobrang gulay upang hindi masayang.

Screenshot mula sa GMA video
Source :

GMA , YouTube

Loading…