Mga lumalabag sa health protocols sa Biñan, Laguna pinagco-community service sa sementeryo

  • Pinagco-community service sa sementeryo ang mga lumalabag sa health protocols sa Biñan, Laguna
  • Ito ang pagdidisiplina nila sa mga  kabataang nahuhuling hindi nagsusuot ng face mask
  • Bahagi raw ito ng kanilang pagpapaalala sa kabataan na kung hindi susunod sa pagsusuot ng face mask o pagtalima sa health protocols ay maaaring humantong sila sa sementeryo

Kakaiba ang naging paraan ng Biñan City Public Order and Safety Office sa lalawigan ng Laguna, sa pagdidisiplina sa mga kabataang nahuling lumalabag sa ipinatutupad na health protocols, gaya ng hindi pagsusuot ng face mask, sa pamamagitan ng community service sa loob mismo ng sementeryo.

“Mga walang face mask huli! Community service sa sementeryo ipinatupad. Ito ay pinangunahan ni Chairman Rommel Lim na bigyang-babala at kaalaman ang kabataang nahuli,” saad sa opisyal na Facebook page ng POSO ng Biñan City, na may hashtag na #POSOinACTION at #ServiceWithAction.

Imahe mula sa Facebook page ng Public Order & Safety Office – Biñan City

Bahagi raw ito ng kanilang pagpapaalala sa mga kabataan na kung hindi susunod sa pagsusuot ng face mask o pagtalima sa health protocols, maaaring humantong sila sa sementeryo.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Oo community service na lang, tama para maunawaan nila na hindi sila sumunod sa rules at saka wala rin silang pera, kaya nga siguro walang mask, wala silang pambili,” pahayag ng isa.

Turan naman ng isa, “Tama lang iyan. habang bata pa, disiplinahin na kaagad. Kabataan ngayon, una pang reklamador sa government na akala mo tipong alam na nila lahat. Pansin ko sa mga nagko-comment na nagrereklamo puro kabataan. Patawa.”

“Hindi ko po nilalahat, pero sana po nasa tama rin ang paghuli, isa sa mga pamangkin ko ang hinuli nila habang kumakain ng pares, and hindi pa sila nag-start kumain, pinipilit na sila pagsuotin ng face mask, dahil nga po sa pakain pa lang, hindi po sumunod at dinampot nila. Paano po ba kumain nang naka-face mask?” wika naman ng isa.

Samantala, binaklas din ng POSO ng Biñan City ang mga basketball net sa mga courts. Ito ay bilang pagtalima sa GCQ o General Community Quarantine protocols, at maiwasan ng kabataan na maglaro at tumabay rito.

Imahe mula sa Facebook page ng Public Order & Safety Office – Biñan City

“Ito ay agarang ipinag-utos ni Mayor Walfredo Arman Dimaguila Jr. sa pangunguna ni POSO Chairman Rommel Lim,” saad nila.

Hangad nila na sana ay bumaba na ang bilang ng kabataang nahuhuling lumalabag sa health protocols sa pamamagitan ng kanilang community service sa sementeryo.

Loading…