Mga magulang ng mga menor de edad sa Quezon City na naaktuhang nasa kalsada pinagbayad ng multa

Screenshot mula sa GMA video
  • Nagsimula na ang mga Metro Manila mayors na magpatupad ng pagbabawal sa mga menor de edad na lumabas ng bahay
  • Sa Quezon City, ang mga magulang ng mga batang naaktuhan sa mga lansangan ang pinagmulta
  • Dahil sa paulit-ulit na paglabag sa health protocols na ipinatutupad, pinag-aaralan na ng Quezon City government kung tataasan na nito ang ipapataw na multa sa mga violators

Simula noong Miyerkules, ika-17 ng Marso, ay muling ipinagbawal sa Metro Manila ang paglabas sa bahay ng mga menor de edad o ang mga kabataang 17 pababa ang edad sa gitna ng muling pagtaas ng bilang ng mga COVID-19 cases sa rehiyon.

Screenshot mula sa GMA video

Ipinahayag ng Metropolitan Manila Development Authority na ang mga may edad 18 hanggang 65 lang ang papayagan makalabas.

Sa Quezon City , ang mga magulang ng mga batang naaktuhan sa labas ng kanilang bahay ang pinagmulta ng lokal na pamahalaan.

Sa first offense ay P300 ang multa, P500 sa ikalawa at P1,000 sa third offense. Binibigyan ang mga magulang ng mga bata ng limang araw na palugit para bayaran sa munisipyo ang multa.

Marami-rami rin ang mga batang naaktuhan sa lansangan tulad na lang ng isang sampung taong gulang na batang lalaki na tinangka pang takbuhan ang mga barangay tanod na nagpapatrulya. Ikalawang beses na pala nitong paglabag mula nang ipatupad ang restriksyon sa mga menor de edad.

May isang lolo naman ang namingot ng tenga ng dalawang apo dahil ikalawang beses na rin siyang natiketan. Pinagsabihan naman ng mga barangay enforcers ang lolo na bawal ang ginawa niyang pamimingot sa mga apo.

Isang nanay naman ang ayaw magpatiket. Katwiran niya, sa labas lang ng pintuan nila naglalaro ang anak.

Screenshot mula sa GMA video

Isang teenager naman ang nagpanggap na 18 anyos, subalit napag-alamang katorse anyos lang ito.

Mahigpit namang pinaalalahanan ni Mayor Joy Belmonte ang mga barangay enforcers at officials na huwag sasaktan ang mga bata.

“Hindi nila dapat  saktan ang bata, na tama lang ang handling doon sa mga bata. I-turn over lang po sa barangay ang bata,” anang alkalde.

Screenshot mula sa GMA video

Umabot sa 41 ang nabigyan ng tiket sa Barangay Matandang Balara.

Dahil sa paulit-ulit na paglabag sa health protocols na ipinatutupad, pinag-aaralan na ng Quezon City government kung tataasan na nito ang ipinapataw na multa sa mga violators.

Source :

GMA , YouTube

Loading…