Mga OFWs nagdiwang sa abolisyon ng Kafala System sa Saudi Arabia

Screenshot mula sa CNNPH video
  • Inalis na ng Saudi Arabia ang Kafala o Sponsorship system simula noong March 14, 2021
  • Sa dating kafala system, ang isang migrant worker ay hindi makalilipat ng trabaho kahit tapos na ang kanyang kontrata hangga’t walang permiso ang kanyang kafeel o sponsor (employer)
  • Ngayon ay malaya na ang mga OFWs na maghanap ng bagong employer pagkatapos ng isang taong pagtatrabaho sa employer

Ikinatuwa ng mga overseas Filipino workers (OFWs) ang ginawa ng Saudi Arabia na isakatuparan ang ipinangako nito noong Nobyembre ng nakaraang taon na magpapatupad ng mga reporma para sa kapakanan ng mga migrant workers ngayong taong 2021.

Imahe mula sa Migrante KSA

Noong March 14 ay inalis na ng Kingdom of Saudi Arabia ang Kafala o sponsorship program.

Isang araw bago ito  ipatupad ay inanunsyo ng samahan ng mga OFWs – ang Migrante International,  ang makasaysayang reporma na “magpapalaya” sa milyun-milyong migrant workers sa kaharian.

“Saudi Arabia has announced that it will end its notorious sponsorship or kafala system on March 14. Migrante-Kingdom of Saudi Arabia, together with all OFWs in the country, is glad and jubilant and is celebrating over this historic action,” ayon sa statement ng Migrante International.

Sa dating kafala system, ang isang migrant worker ay hindi basta basta makalilipat ng ibang trabaho kahit tapos na ang kanyang kontrata hanggang hindi siya pinapayagan ng kanyang kafeel o sponsor (employer).

Sa abolisyon ng naturang sistema, malaya na ang mga OFWs na maghanap ng bagong employer pagkatapos ng isang taong pagtatrabaho sa employer. Magiging madali na rin para sa mga migranteng manggagawa na makalabas o makapasok sa Saudi Arabia dahil hindi na kailangan ang permiso mula sa kanilang sponsor.

Screenshot mula sa CNNPH video

Nagbigay ng paalala ang Philippine General Consulate sa Jeddah sa mga OFWs sa Saudi na huwag munang gumawa ng anumang aksyon dahil wala pang inilalabas na implementing rules and regulations para sa bagong inisyatibo.

Sabi  ni Consul General Edgar Badajos, magkakaroon pa ng pag-uusap sa pagitan ng Pilipinas at Kingdom of Saudi Arabia tungkol sa mga detalye ng abolisyon ng kafala system sa buwan ng Abril.

Source :

GMA , Arab News

Loading…