Mga pasaway na vloggers na nag-Facebook Live sa Taal main crater dinampot ng mga awtoridad

Screenshot mula sa video ng PCG-Talisay
  • Anim na vloggers, kabilang ang tatlong menor de edad, ang dinampot ng mga awtoridad matapos mag-Facebook Live sa tabi ng Taal main crater
  • Makikita sa nasamsam na video na kumukulo ang crater lake at may usok sa lumalabas sa ilang bahagi ng bunganga ng Taal
  • Nagbabala ang PCG-Talisay na huwag pamarisan ang ginawa ng mga vloggers
  • Ang Taal Volcano ay inilagay sa alert level 2 kung saan posible ang eruption depende sa kilos ng magma

Dinampot ng mga awtoridad ng Talisay, Batangas ang anim na katao, kabilang ang tatlong menor de edad, dahil sa pagpasok sa Taal Volcano Island noong Martes, March 9, na paglabag sa no-entry order na ipinatutupad doon dahil permanent danger zone ang pulo.

Screenshot mula sa video ng PCG-Talisay

Sinabi ni Police Officer 1 Junior Layosa ng Philippine Coast Guard sub-station sa Talisay na dinampot nila ang anim na nakitang nag-Facebook Live sa tabi ng main crater ng Taal. Makikita sa nakuhang video na kumukulo ang crater lake at may lumalabas pang usok sa isang bahagi ng bunganga ng bulkan.

Kinilala ang tatlo sa mga ito na sina Ryan Molinar, 33; Hazel Molinar, 33; Jerico Hernandez, 23, na dinala sa presinto at haharap sa mga kaso. Ang tatlong menor de edad naman ay ibinigay sa pangangalaga ng local social workers.

Pawang mga residente ng Balete, Batangas ang anim.

“Nagla-live sila doon mismo sa crater ng volcano which is napakadelikado, lalong-lalo na nagtaas sa level 2 ang alert level ng volcano,” ayon kay PO1 Layosa.

Kasunod ng pangyayari ay hinimok ng PCGSub-station Talisay ang mga residente at turista na sumunod sa regulasyon ng lokal na pamahalaan hinggil sa kalagayan ng bulkan para sa kanilang kaligtasan sa posibleng pinsala na idudulot ng tumataas na alert level.

Screenshot mula sa video ng GMA

Ipinahayag ni Undersecretary Renato Solidum ng Phivolcs na sa alert level 2 ay may posibilidad ng eruption, depende raw sa kilos ng magma.

“Sa alert level 2, posible itong humantong sa eruption. Posible rin naman na hindi ito humantong sa eruption. Ang susunod na mga pangyayari sa Taal Volcano ay depende ‘yan kung tuluy-tuloy ba ang pag-akyat ng magma. Mabilis ba ang pag-akyat ng magma o mabagal lang? Depende po iyan sa kilos ng magma,” paliwanag ni Usec. Solidum.

Screenshot mula sa GMA video

Pinayuhan ng Phivolcs ang mga local government units at mga residente sa paligid ng Taal na maging kalmado pero dapat laging preparado  at makinig lang sa impormasyon mula sa mga mapagkakatiwalaang sources.

Maging alerto! Umantabay lagi sa mga updates.

Loading…