Mga  residente umalma sa itinayong pader ng BuCor sa gitna ng kanilang daanan

Imahe mula sa Facebook - Barangay Poblacion Muntinlupa
  • Umalma ang mga residente ng Southville 3 sa Muntinlupa sa itinayong pader sa gitna ng kanilang daanan
  • Itinayo ito ng BuCor upang mapanatili raw ang kaligtasan sa loob ng NBP Maximum Security Compound
  • Subalit wala umano itong koordinasyon sa city government at labag din sa batas

Umalma ang mga residente ng Southville 3, isang pabahay ng National Housing Authority (NHA), matapos tumambad sa kanila nitong nagdaang weekend ang isang nakatayong pader na gawa sa hollow blocks sa gitna ng kanilang dinadaanang kalsada.

Ang naturang pader ay itinayo ng Bureau of Corrections  sa gitna ng Insular Prison Road sa Barangay Poblacion na siyang dinadaanan ng mga residente upang makarating sa city proper ng Muntinlupa.

Cong. Ruffy Biazon| Imahe mula sa Facebook – Barangay Poblacion Muntinlupa

Ayon sa mga residente ng Southville 3, ipinaalam sa kanila ng BuCor noong Huwebes ang tungkol sa napipintong lockdown subalit wala umanong nabanggit na may itatayong pader.

Maging ang Muntinlupa City government ay itinanggi ring may koordinasyon ang BuCor sa kanila hinggil sa planong ito.

Wika ni Muntinlupa City Representative Ruffy Biazon, labag sa batas ang pagtatayo ng naturang pader bukod pa sa istorbo at sagabal ito sa mga residente.

“That wall is illegal and is a nuisance as defined by Article 694 of the Civil Code as it obstructs and interferes with the free passage of a public highway or street,” pahayag ni Biazon.

Giit naman ni BuCor Spokesperson Gabriel Chaclag, matagal na ang planong ito bilang bahagi ng hakbang upang i-secure ang Maximum Security Compound ng National Bilibid Prison (NBP). Ang Insular Prison Road ay isa sa mga dinadaanan patungong NBP Reservation na ginagamit din ng mga nakatira sa Southville.

Screenshot mula sa Facebook- Muntinlupa City

Paliwanag ng BuCor, ginagamit raw kasi ang daang ito ng ilang masasamang elemento para makapasok sa loob ng NBP Reservation.

“Hindi rin po ‘blocking of the road’ kundi ‘closing of the road’ from NHA Southville 3 passing through Maximum Security Compound ang pinatupad po ng BuCor,” wika pa ni Chaclag sa panayam ng CNN Philippines.

Hindi rin daw pinagbabawalan ng NBP ang mga residente ng Southville na pumunta sa city proper.

“Merong mas maluwag na daanan at ‘yun po ay sa kabila. Konting sakripisyo lamang naman po. Nadagdagan ng 1.5 km lamang ang kanilang travel distance kesa sa dating shortcut,” dagdag pa ni Chaclag.

Loading…