Mga turista bawal na sa Kaybiang Tunnel dahil sa dulot na trapik, basura

Imahe mula sa Komoot
  • Ipagbabawal na ang mga turistang namamasyal sa Kaybiang Tunnel
  • Nagiging sanhi umano sila ng trapik at nagkalat na basura sa lugar
  • Ipatutupad ang nasabing patakaran simula sa Biyernes, Marso 19

Ipinagbabawal ang mga turista at riders na pumarada at magliwaliw sa Kaybiang Tunnel na madalas na pasyalan ng mga motorista nitong mga nagdaang buwan.

Sa isang Facebook post nitong Miyerkules, inanunsiyo ni Cavite Governor Jonvic Remulla na simula sa Biyernes, Marso 19, ay idedeklara nang isang ‘No Tourism Zone’ ang Kaybiang Tunnel na ginagamit ng ilan bilang alternatibong daanan patungong Nasugbu at Tagaytay.

Screenshot mula sa Facebook ni Gov. Remulla

Ayon sa gobernador, nakarating sa kaniyang kaalaman na nagiging sanhi ng trapik ang madalas na pamamasyal ng mga lokal na turista sa lugar bukod pa sa tambak na rin ang basurang naiiwan.

“Marami ang nag-report sa aking tanggapan na ang Kaybiang Tunnel sa Mt. Pico de Loro ay nagiging sanhi ng traffic, basura, at umabot pa sa mga lokal na turista ang sila silang nagba-bardagulan doon,” ani Remulla.

“Buong magdamag ay libo-libong bisikleta, motorsiklo, at sasakyan ang nakaparada, kumakain, nagliliwaliw at lahat ay tumitigil para mag-selfie o mag-picture-taking doon,” wika pa ng gobernador.

Kaybiang Tunnel| Imahe mula sa Mapio.net

Dahil umano dito, walang katapusang trapik at bottleneck sa dalawang lagusan ng tunnel na ang naging resulta ng ginagawang ito ng mga turista.

Kaya simula sa Biyernes ay ipagbabawal na ang pagparada sa lugar, pagkain, pamamasyal, pagkuha ng selfie at maging ang pagbusina sa loob ng tunnel.

“Hindi ko naman kagustuhan ang basagan ng trip. Ngunit responsibilidad ko din na siguraduhin na maayos ang counterflow ng traffic at maintenance ng law and order sa ating mga lansangan,” dagdag pa ng opisyal.

Imahe mula sa Facebook ni Gov. Remulla

Ipatutupad ng lalawigan ang kautusang ito sa pamamagitan ng itatalagang mga checkpoint sa Tanza, Naic, Maragondon at Ternate.

Hinimok din ni Remulla ang publiko na isumbong sa kaniyang tanggapan ang makikitang lalabag sa patakarang ito.

Loading…