Motorsiklo kayang patakbuhin ng tubig? Imbensyon ng ex-OFW “definitely promising”, ayon sa DOST

Screenshot mula sa KMJS video
  • Nakaimbento ang isang dating OFW ng aparato na gumagamit ng tubig para patakbuhin ang motorsiklo niya
  • Sampung taon ang inabot bago raw niya naperpekto ang imbensyon
  • Tiningnan ng DOST ang aparato at sinabing “definitely promising” ang imbensyon

Bata pa si Marcelo ay mahilig na raw siyang magbutingting ng kung anu-anong mga bagay. Mahilig daw siya talaga sa science mula elementary hanggang high school, subalit hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral.

Screenshot mula sa KMJS video

Nakapagtrabaho siya bilang mekaniko at kalaunan ay naging isang OFW sa Saudi Arabia. Isang kaibigan doon ang nagpahiram umano sa kanya ng isang libro na tumatalakay sa potensyal ng tubig para gamiting fuel sa mga sasakyan.

Nang magbalikbayan siya noong 2011 ay ipinagpatuloy niya ang pag-e-eksperimento sa paggawa ng water fuel. Makalipas ang sampung taon, sa wakas ay naperpekto na niya iyon. Nito lang nakaraang buwan ay nabuo na niya ang ginawang aparato upang magamit ang tubig sa pagpapatakbo ng motorsiklo niya.

Ipinakita ni Marcelo sa Kapuso Mo, Jessica Soho na napatakbo niya ang motorsiklo gamit ang distilled water na inilagay sa naimbentong aparato. Hinaluan niya ng potassium hydroxide ang tubig na ginamit.

Pinaghihiwalay ng aparato, na ikinakabit niya sa baterya ng motorsiklo, ang komposisyon ng tubig na hydrogen at oxygen. Ang naihiwalay na hydrogen ang nagpapatakbo sa motorsiklo. Ipinapadaloy iyon sa karburador ng makina.

Binisita ng Department of Science and Technology (DOST) si Marcelo upang makita ang kanyang imbensyon.

Screenshot mula sa KMJS video

Ayon sa ahensya, marami na silang narinig na katulad na imbensyon – na nakapagpapatakbo ng sasakyan  gamit lang ang tubig – subalit wala pa raw napatunayan sa mga iyon.

Sa araw ng pagbisita ng DOST ay nagkaproblema ang karburador ng motorsiklo ni Marcelo at hindi niya napaandar iyon. Nanindigan naman siya na wala siyang inihahalong gasolina para patakbuhin ang motorsiklo. Mapatutunayan daw iyon ng mga kapitbahay at kaibigan.

Sinabi ng DOST na mas mabuting maipakita ang aparato sa mga eksperto  upang mabigyan ng kaukulang pananaliksik.

Screenshot mula sa KMJS video

Sa ginawang ocular inspection ng mga engineer mula sa DOST, sinabi ng mga ito na ang hydrogen nga raw ang nagpapagana sa makina ng motorsiklo ni Marcelo.

Sinabi ni Engineer Alger Loyao, Jr., isang chemical engineeer ng DOST Region 7, mas mabuting dalhin ang aparato sa kanilang opsina upang magawan ng kaukulang assessment para malaman kung ano ang maitutulong nila kay Marcelo.

Screenshot mula sa KMJS video

“Definitely promising,” sabi ni Engr. Loyao patungkol sa aparato ni Marcelo.

Bukas naman si Marcelo na magpatulong sa mga eksperto upang lalo pang ma-improve ang kanyang imbensyon na plano niyang ipa-patent upang hindi manakaw sa kanya ang ideya.

Source :

YouTube, GMA

Loading…