MVP handa na nga bang bumaba bilang CEO ng PLDT?

Imahe mula sa Finance Asia
  • Nagpahiwatig si MVP na maaari na siyang bumaba bilang CEO ng PLDT
  • Ito ay matapos iulat ang kanilang pinakamalaking revenue sa kasaysayan ng kumpanya para sa taong 2020
  • Hindi naman sinabi ni MVP kung kailan siya bababa sa puwesto

Sa ginanap na full briefing para sa taong 2020 ng PDLT, ibinahagi ng higanteng telco ang paglago ng kanilang negosyo kung saan umakyat ang kanilang net income ng 8.23% na katumbas ng P24.3-B, at kabuuang revenue na umabot sa P171.5-B; pinakamalaki sa kasaysayan ng kumpanya.

Ito ay sa kabila ng kinakaharap na pandemya sa bansa kung kailan karamihan sa mga tao ay nanatili sa kanilang tahanan nang ilang buwan. Ito rin ang panahon na kung kailan tumaas sa internet at data services ang mga tao.

Imahe mula sa PLDT

Sa nasabing briefing, ibinahagi rin ni PLDT chief operating officer Manny V. Pangilinan – o mas kilala bilang MVP – na posibleng bumaba na siya sa kaniyang posisyon at ipaubaya ang pamamahala ng kumpanya sa mas batang executive.

Tinanong kasi si MVP kung tutuparin niya ang kaniyang pangako noon na bababa bilang CEO ng PLDT kapag naging ‘stable’ na ang takbo ng kumpanya.

Imahe mula sa PLDT Facebook

“There’s always a time to give up and I think the time is soon. Don’t worry I will keep my word,” sagot ni Pangilinan.

Taong 2016 naging CEO ng PLDT si MVP kung kailan humarap sa malaking hamon ang telco matapos maungusan ng karibal na Globe, at kung kailan bumaba ang kanilang kita ng ilang porsiyento.

Makaraan ang tatlong taon, nangako si MVP na ipauubaya niya ang kaniyang posisyon kapag naramdaman niyang maayos at ‘steady’ na ang takbo ng PLDT.

Imahe mula sa PLDT

Mariing sinabi ni MVP na handa na siyang bumaba bilang boss ng PLDT subalit hindi nito sinabi kung kailan.

“Power corrupts. No, I’m not. I want to prove to the world that I’m not the type who would cling to power.  No, I’m not the type who would do that,” banggit nito.

Sa kabila ng ‘di inaasahang paglaki ng kita noong 2020, pinag-iingat pa rin ni Pangilinan ang kumpanya na hindi pa sila ‘completely out of the woods’, at kung ano man ang kanilang nakamit ngayon ay maaari pa ring pagbutihin sa mga susunod na taon.

Loading…