MVP inaming lumakas ang Cignal, TV5 matapos mawala sa ere ang ABS-CBN

Imahe mula sa Cignal, TV5
  • Inamin ni MVP na nakatulong sa Cignal TV at TV5 ang pagsasara ng ABS-CBN
  • Dumami umano ang subscribers ng Cignal at tumaas kahit paano ang ratings ng TV5
  • Dahil dito, umaasa si MVP na makababawi na ang Kapatid network sa loob ng tatlong taon

Inamin ni PLDT chairman at CEO Manny V. Pangilinan na lumakas pareho ang kanilang Cignal TV at TV5 matapos mawala sa ere ang ABS-CBN at ilang subsidiary nito.

Partikular na tinukoy ni MVP na dumami ang kanilang subscribers sa Cignal TV nang ipasara ang SkyDirect ng SkyCable Corporation na pag-aari ng pamilya Lopez Hunyo noong nakaraang taon matapos mabigong makakuha ng prangkisa sa Kamara.

“Cignal had a very good year because unfortunately, Sky Direct was closed and there was significant migration of Sky Direct subscribers that went over to the Cignal side, such that we added about 1.3 million to 1.4 million subscribers and that was done in the latter part of 2020,” bahagi ni Pangilinan, na siya ring chairman ng TV5 Network.

Sa kasalukuyan, mayroon nang 3.4 milyong subscribers ang Cignal TV para makuha ang halos 50 porsiyento ng satellite TV market.

Maliban dito, nakatulong din umano sa ratings ng TV5 ang ilang programa ng Kapamilya network na ini-ere sa kanilang istasyon.

“The content of ABS-CBN that’s so far been shown in TV5 has helped a bit and [we are] talking to them about further showing their content on TV5,” ayon kay MVP.

Imahe mula sa ABS-CBN

Gayunpaman, ang kanilang entertainment content ay mababa pa rin kumpara sa karibal na GMA-7 subalit unti-unti na rin umanong lumalakas pagdating sa ratings.

Kamakailan ay inanunsiyo ng ABS-CBN Corp. na ipapalabas na rin sa TV5 ang ilan sa kanilang mga programa at teleserye tulad ng “FPJ’s Ang Probinsyano,” “Ang Sa Iyo ay Akin,” “Walang Hanggang Paalam,” at ang “Pinoy Big Brother (PBB) Connect” simula sa Marso 8.

Ito ay madadagdag sa nauna nang ipinalalabas doon na “ASAP Natin ‘To” at “FPJ: Da King”.

Matapos mabigo ang kanilang 2019 target para sa breakeven profit, umaasa si Pangilinan na makababawi na rin ang Kapatid network sa loob ng tatlong taon.

Loading…