Nakaimbak na 2nd dose ng COVID vaccine pinagagamit na ng isang solon

Screenshot mula sa ABS-CBN video
  • Nais ng isang kongresista na gamitin na muna ng gobyerno ang nakaimbak na 2nd dose ng bakuna
  • Sayang daw kasi ang panahon at upang madagdagan na rin ang mababakunahang Pilipino
  • Puwede naman daw gamitin na lang na 2nd dose ang parating na delivery

Hinimok ng isang kongresista ang pamahalaan na gamitin na ngayon ang nakaimbak na pangalawang dose ng bakuna nang sa gayon ay hindi masayang ang panahon at para mabakunahan pa ang ibang mga Pinoy.

Sa panayam ng Inquirer kay Ilioilo Rep. Janette Garin, maaari naman umanong iturok na ngayon sa mga naghihintay na mamamayan ang nakareserbang 2nd dose at gamitin na lang muli para dito ang mga darating pang supply.

Imahe mula sa Philippine News Agency

“Sayang yung 4 weeks na hinihintay ng bakuna. Mas magandang bakunahan muna para at least you have 600,000 people immediately covered. If not full protection, at least nakasimula ka na,” ani Garin.

“So pagdating ng second batch e kung darating naman ‘yun ngayong buwan sa pagkakaintindi ko, ay magagamit na iyon. Parang sayang kasi na natutulog lang ‘yung bakuna,” dagdag ng mambabatas na dati ring nagsilbi bilang Health secretary.

Kailangan lang umanong siguruhin ng gobyerno na ang susunod na mga batches ng bakuna ay darating sa bansa sa nakatakdang araw.

Imahe mula sa Nikkei Asia

Masyado na naman daw kasing matagal ang waiting time na 28 na araw. Kung nabayaran na ang bakuna, ayon pa sa solon, sigurado naman umanong maide-deliver agad ito kapag handa na ang shipment, maliban na lang kung wala pa talagang pambayad ang Pilipinas.

“I don’t think there will be hinges unless wala pa tayong pera, pero imposible naman ‘yun,” wika pa ng kongresista.

Sakali namang magkaroon ng delay para sa second dose, ipinaliwanag ni Garin na hindi naman tuluyang mawawalan ng bisa ang naunang dose.

“Sa immunization kasi, if the succeeding dose is delayed, example yung schedule mo ng second dose ay biglang may lagnat ka, ide-defer lang yan,” ayon pa ay Garin.

Imahe mula sa ABS-CBN News

Nauna nang ibinahagi ni vaccine czar Carlito Galvez na parating na sa bansa nitong Marso 21 ang biniling 1 milyong doses ng Sinovac bukod pa sa 400,000 na karagdagang donasyon ng China.

Noong Pebrero 28, dumating sa bansa ang kauna-unahang COVID-19 vaccine na 600,000 doses ng Sinovac na donasyon mula sa China.

Sinundan ito ng 487,200 at karagdagang 38,400 na doses naman ng AstraZeneca na mula naman sa COVAX facility ng Wold Health Organization (WHO).

Loading…