NCR, Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan isinailalim sa mas mahigpit na GCQ hanggang April 4

Screenshot mula sa PCOO video
  • Isinailalim sa mas mahigpit na GCQ ang NCR, Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan sa loob ng dalawang linggo
  • Sinimulan ito ng March 22 at matatapos sa April 4
  • Umaasa ang pamahalaan na pagkatapos ng 2 linggong GCQ ay bababa ng 25% ang COVID-19 cases sa mga nabanggit na lugar

Isinailalim ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases ang National Capital Region (NCR) o Metro Manila, Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan sa general community quarantine (GCQ) simula March 22 hanggang April 4.

Screenshot mula sa PCOO video

Aprubado umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang desisyon ng IATF na nakapaloob sa Resolution No. 104.

Ang desisyon ng IATF ay dahil sa paglobo ng COVID-19 cases sa mga nabanggit na lugar, lalo na sa NCR.

Mas mahigpit na GCQ ang idineklara ngayon ng IATF dahil may ilang mga restriksyong ipinatutupad na ginamit noon sa pinakamahigpit na enhanced community quarantine (ECQ) tulad ng pagbabawal sa non-essential travels, dine-in sa mga restaurants at ang paggamit ng IATF pass.

“Pwede po ‘yan, lahat po ng IATF IDs maski nakasulat doon na paso na, nagkaroon po ng resolution that they would be valid until matapos po itong state of public health emergency,” sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

Nilinaw ni Secretary Roque na ang mga residente ng limang nabanggit na lugar ay malayang makakapag-paroo’t parito sa loob nito, subalit hindi maaaring magtungo sa ibang lugar.

Screenshot mula sa PCOO video

“Ang bubble natin, Metro Manila, Laguna, Bulacan, Cavite, at Rizal.  So pu-pwede kayo bumiyahe freely between Metro Manila and these provinces.  Pero hindi pu-pwedeng lumabas, hindi pwedeng pumasok,” ani Sec. Roque.

“Hindi po kayo pu-pwedeng sumakay ng eroplano kung hindi po kayo ba-byahe ng essential travel.  Kung hindi niyo po mapapakita na kayo’y magta-trabaho sa lugar na pupuntahan ninyo, o kayo ay health worker na nagtatrabaho ‘don sa lugar na ‘yon, hindi rin po kayo mapapayagan. At ang turismo po, uulitin ko po, is a non-essential activity,” dagdag pa ng tagapagsalita ng Pangulo.

Screenshot mula sa PCOO video

Magkakaroon ulit ng mga checkpoints na ilalagay sa mga hangganan ng limang lugar na isinailalim ng mas mahigpit na GCQ.

Umaasa ang pamahalaan na pagkatapos ng 2 linggong GCQ ay bababa ng 25% ang COVID-19 cases sa mga lugar na iyon.

Screenshot mula sa PCOO video

Panoorin ang press briefing ni Sec. Harry Roque para sa detalye ng GCQ with added restrictions:

Source :

GMA , Inquirer

Loading…