Nilalang na nanggagambala sa ilog sa Agusan del Sur, sirena raw na hindi kaaya-aya ang itsura

Screenshot mula sa KMJS video
  • Naniniwala ang mga residente sa isang bayan sa Agusan Del Sur na may sirenang nanggagambala sa Gibong River
  • Kaiba sa sirena sa mga kuwento na magaganda, ang itsura umano ng kataw ay hindi kaaya-aya
  • Paliwanag ng mga awtoridad posibleng buwaya ang sinasabing “sirena”
  • Ang ilog ay konektado sa Agusan Marsh kung saan nahuli ang pinakamalaking buwayang si Lolong noong 2011

Alas-singko ng hapon habang namamalaot sa Gibong River ang residenteng si Mario ng bayan ng San Francisco sa Agusan Del Sur nang bigla raw may nilalang na yumugyog sa kanyang bangka.

Screenshot mula sa KMJS video

Nakita raw niya ang katawan at buntot ng nilalang. Hindi niya nakita ang ulo niyon dahil natatakpan ng mga buhok. Kinilabutan daw siya nang  mapagtanto kung ano ang nilalang na iyon – ang tinatawag nilang kataw o sirena.

Kaiba sa mga sirena sa mga kwento na magaganda, ang itsura umano ng kataw ay hindi kaya-aya. Mukha raw itong janitor fish na may kaliskis pa ang mga kamay. Tumigil daw ang kataw nang hampasin niya iyon ng sagwan.

Ilang matatandang residente ng naturang bayan ang nagpatotoo na nakita na nila ang kataw kaya marami sa kanila ang natatakot nang lumapit sa Gibong River.

May pagkapilya rin daw ang kataw.

Kuwento ng residenteng si Julito Jarantilla, hinipuan daw siya niyon habang naliligo siya noon sa ilog. Wala naman daw ibang tao roon nang mangyari iyon. Hindi pa raw nakuntento sa paghipo, pinitik pa rin daw ng sirena ang kanyang “pagkalalaki.”

Screenshot mula sa KMJS video

Hindi naman naniniwala ang mga awtoridad ng bayan tungkol sa kataw. Sabi ng kapitan ng barangay doon, posibleng buwaya raw ang nilalang na gumagambala sa ilog.

Hindi naman ito pinaniniwalaan ng maraming residente. Kung buwaya raw iyon ay sinakmal na sana sila niyon.

Screenshot mula sa KMJS video

Paliwanag ng opisyal ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa probinsya, ang Gibong River ay konektado sa Agusan Marsh kung saan maraming buwaya. Sa Agusan Marsh nahuli noong 2011 ang pinakamalaking buwayang si Lolong.

Posible raw na buwaya ang nilalang sa ilog o kaya ay malaking isda.

Sa kabila ng mga paliwanag na ito ay hindi pa rin natitinag ang mga residente sa paniniwalang isang kataw ang nanggagambala sa Gibong River.

Source :

Facebook

Loading…