‘No vaccine, no work’ policy labag sa batas – DOLE

Imahe mula sa PNA
  • Hindi maaaring ipatupad ang ‘no vaccine, no work’ policy dahil labag umano ito sa batas
  • May mga nagrereklamo kasing mga empleyado na pinagbabawalan silang bumalik sa trabaho hangga’t hindi pa nababakunahan
  • Nangako rin ang DOLE na tutulungan nila ang sinumang empleyado na magreklamo sa kanila

Labag sa batas ang patakarang ‘no vaccine, no work’ at hindi rin umano maaaring maging ‘ground for termination’ ng isang empleyado ang hindi pa pagkakaroon ng bakuna; ito ang iginiit ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Sa ginanap na press briefing nitong Miyekules, ibinahagi ni Labor Secretary Silvestro Bello III na maglalabas siya ng order na magbabawal sa anumang kumpanya na hindi papapasukin ang mga trabahador na hindi pa nababakunahan kontra COVID-19.

Sec. Bello| Imahe mula sa DOLE

“There is no legal basis for an employer to require workers to be vaccinated before they enter the workplace,” paglilinaw ni Bello.

Ito ay matapos ibulgar ng Associated Labor Unions (ALU), ang pinakamalaking samahan ng mga labor unions sa bansa, na ito ang lumalabas na kalakaran ngayon sa ilang negosyo at kumpanya.

Nakatanggap daw kasi sila ng mga reklamo mula sa ilang empleyado na pinagbabawalan silang bumalik sa trabaho hangga’t hindi pa nababakunahan. Karamihan sa kanila ay mga nagtatrabaho sa hotel, restaurant at BPO industry.

Ayon pa sa ALU, bukod sa bawal ito, isa rin umano itong uri ng diskriminasyon sa trabaho.

Imahe mula sa The Star

Sang-ayon naman dito si Bello na nagsabing hindi puwedeng gawing mandatory ng mga kumpanya ang pagpapabakuna ng mga empleyado nila.

“They can’t make [vaccination] mandatory. It’s up to the employee to say whether he will get vaccinated,” giit ng kalihim.

“It will be considered as illegal suspension or illegal dismissal, whatever action the employer would do if the employee does not get vaccinated,” dagdag pa nito.

Nangako rin si Bello na tutulungan nilang magsampa ng kaso laban sa employer ang sinumang magreklamo tungkol dito.

Loading…