Nograles dumepensa sa batikos na ‘back to square one’ ang bansa pagdating sa COVID response

Imahe mula sa PNA
  • Pumalag si Nograles sa punang ‘back to square one’ ang bansa
  • Ito ay sa gitna ng paglobo ng bilang kaso ng nahawahan ng COVID nitong mga nagdaang araw
  • Para naman kay dating Health Sec. Cabral, ’10 steps back from square one’ ang Pinas ngayon

Dumepensa si Cabinet Secretary Karlo Nograles sa batikos na ‘back to square one’ ang Pilipinas pagdating sa ginagawa nitong hakbang para kontrolin ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.

Ito ay sa gitna ng patuloy na pagtaas ng bilang ng nahawahan na pumapalo na sa mahigit 4,000 kada araw na halos katulad noong nasa kasagsagan pa lang ang COVID-19 mga buwan ng Hunyo at Hulyo noong nakaraang taon.

Sec. Nograles| Imahe mula sa PNA

Iginiit ni Nograles sa panayam ng ANC nitong Huwebes na gumagana pa rin ang health protocol na pinaiiral sa bansa subalit kailangan nating alalahanin na maging sa ibang bansa, “COVID-19 comes in waves.”

Binigyang-diin din ng kalihim na ang pagtugon sa pandemya ay maselang pagbabalanse sa pagitan ng kalusugan ng tao at ng ekonomiya.

“There are ups and downs in this battle. Why? Because it is a delicate balance between health and economy. To prevent transmission, you prevent movement of people. But to open the economy, you need movement of people,” paliwanag ni Nograles.

Ang magagawa lang daw ng gobyerno ay ipatupad ang protocol subalit sa huli ay nasa mamamayan pa rin kung susunod sila dito o hindi.

Imahe mula sa PNA

Sa dami ng populasyon ng bansa, kumpara sa bilang ng law enforcers na magbabantay sa kanila, talagang nasa sa mga tao na ang bola upang makontrol ang pagkalat ng COVID, ayon pa kay Nograles.

‘10 steps back from square one’

Para naman kay dating Health Secretary Esperanza Cabral, hindi lamang balik sa square one ang bansa, kung hindi umatras pa umano tayo rito ng sampung hakbang.

Ayon kay Cabral, talagang higit na lumala pa ang ating kalagayan nitong Marso 2021 kumpara noong Marso 2020.

Dr. Cabral| Imahe mula sa DOKTOR.net.ph

“We are not back to square one. We are ten steps back from square one,” ani Cabral sa hiwalay na panayam sa Teleradyo.

Umaasa ang dating kalihim na sana ay mas bilisan at lawakan pa ang ginagawang pagtugon ng gobyerno sa krisis.

Marami raw umanong kakulangan ang pamahalaan at kabilang na rito ang mabagal na aksyon pagdating sa contact tracing, border control at vaccine rollout.

Loading…