Pacquiao may planong tumakbo bilang pangulo sa 2022 election – Lacson

Imahe mula sa Facebook ni Sen. Manny Pacquiao
  • May plano talagang tumakbo sa pagkapangulo si Senador Manny Pacquiao
  • Ito ang ibinunyag ni Sen. Ping Lacson sa isang panayam
  • Samantala, patuloy pa ring iniiwasan ni Pacquiao ang mga tanong tungkol sa kaniyang tunay na plano

Ibinulgar ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson na talagang may planong tumakbo sa pagkapangulo ang kaniyang kasamahang si Senador Manny Pacquiao sa darating na pambansang halalan sa 2022.

Sa panayam kay Lacson sa ANC, sinabi ng mambabatas na inamin minsan sa kaniya ng Pambansang Kamao ang balak na kumandidato sa mas mataas na posisyon sa susunod na eleksyon.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

“Sa Senate, kasi halos seatmates kami…two or three times, he approached me and sat beside me and he said: ‘Baka puwedeng mag-usap tayo.’ Kasi ‘yun nga, may plano nga siya baka puwedeng tulungan siya especially sa budget,” bahagi ni Lacson.

Nang tanungin kung bilang presidente ba ang tinatarget ng boxing legend-politician, kinumpirma naman ito ng senador.

“Yeah. Sinabi naman niya. He’s quite open about it. Although, ayaw niyang pag-usapan because of COVID and in fairness to him, consistent naman siya na COVID muna tayo, ‘wag na muna ‘yong pulitika,” wika pa ni Lacson.

Ilang beses nang iniiwasan ni Pacquiao ang mga tanong kung tatakbo ba talaga siya sa pagka-pangulo kahit minsan ay kinumpirma na rin ito noon ng kaniyang promoter na si Bob Arum.

Imahe mula sa Facebook | Manny Pacquiao

Kamakailan lamang ay sinabi ng bagong-tatag na pro-democracy coalition na 1Sambayan na binuo ni retired Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na wala silang planong suportahan si Pacquiao at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio kung tumakbo man ang mga ito sa eleksiyon.

Giit naman ni Pacman, iginagalang niya ang opinyon at saloobin ni dating Justice Carpio subalit hindi umano ito ang tamang panahon para pag-usapan ang political line-ups.

“I will just focus on my job and continue helping our people the best way I know how. Malayo pa ‘yan,”  saad ni Pacman.

Samantala, sa panig naman ni Lacson, dati nang sinabi ng mambabatas na naipangako na niya ng kaniyang suporta sa kaibigang si Senador Vicente ‘Tito’ Sotto III kung sakali mang tumakbo rin sa mataas na posisyon ang kasalukuyang Senate President.

Loading…