Pagbabakuna para sa publiko sa Abril o Mayo pa magsisimula – Galvez

Imahe mula sa PNA
  • Sa Abril o Mayo pa maaaring magsimula ang malawakang pagbabakuna sa publiko
  • Kabilang na rito ang mga senior citizens at mga vulnerable communities
  • Ang dumating na Sinovac ay para lang muna sa mga health workers at uniformed personnel

Posibleng sa katapusan ng Abril o unang linggo ng Mayo pa magsisimula ang malawakang pagbabakuna para sa karamihan ng mamamayang Pilipino, ayon kay vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr.

Matatandaang dumating na sa bansa noong Linggo, Pebrero 28, ang 600,000 doses ng donasyong Sinovac vaccine mula sa China subalit para lamang ito sa mga nasa priority list tulad ng health workers, medical frontliners at uniformed personnel ng AFP at PNP.

Imahe mula sa Xinhua

Sa panayam ng GMA News nitong Miyerkules, sinabi ni Galvez na posibleng sa Abril o Mayo pa magsisimula ang vaccination program para sa ibang nasa priority list kabilang na ang mga senior citizens, mahihirap na pamilya at vulnerable communities.

“Ang projection po namin ang general public, pati na ‘yung mga seniors, poor families, at saka vulnerable communities, we will start ‘yung general public inoculation late April, early May,” bahagi ng kalihim.

Naumpisahan na ang pagbabakuna nitong Lunes sa mga kawani ng ilang ospital sa Kamaynilaan tulad ng Philippine General Hospital (PGH) sa Manila, Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital sa Caloocan at Amang Rodriguez Memorial Medical Center sa Marikina.

Nauna nang hinimok ni Galvez ang publiko na ‘wag maging ‘brand-conscious’ at hintayin pa ang ibang bakuna tulad ng Pfzizer BioNTech at AstraZeneca na sinasabing mas mataas ang efficacy rate kumpara sa Sinovac na unang dumating sa bansa.

Imahe mula sa PNA

“Yung po ang inaano natin sa ating mga kababayan, dapat hindi po tayo maging conscious sa mga brand. Kasi lahat po ng mga vaccine, may kanya kanya pong efficacy yan,” wika ni Galvez sa naunang panayam.

Ang mga major brands daw kasi na AstraZeneca, Pfizer at Moderna ay pinag-aagawan ngayon ng western countries at nasa 75 porsiyento ng ginagawang inoculation ngayon sa mundo ay nasa 10 bansa lamang.

Karamihan umano ng mga Southeast Asian at developing countries tulad ng Pilipinas ay Sinovac at Sputnik ang ginagamit na bakuna.

Loading…