Paglobo ng COVID cases ‘di puwedeng isisi sa ‘kapalpakan’ ng gobyerno – Palasyo

Imahe mula sa ABS-CBN News
  • Hindi umano palpak ang naging hakbang ng gobyerno kontra COVID
  • ‘Yung mga bagong variants daw ng COVID ang posibleng dahilan sa paglobo ng kaso
  • Hindi rin umano ito puwedeng isisi sa pagbubukas ng ekonomiya

Muling iginiit ng Malakanyang na ‘excellent’ ang mga nagawang hakbang ng pamahalaan para kontrolin ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa nitong mga nagdaang buwan sa gitna ng mga batikos na maraming naging pagkukulang ang kasalukuyang administrasyon.

Sa kaniyang virtual presser nitong Lunes, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi puwedeng isisi sa pagbubukas ng ekonomiya ang biglang pagsirit ng COVID sa Pilipinas, kung hindi sa mga nakapasok na iba’t-ibang variants nito.

“Excellent naman po talaga tayo sa handling until this month of March kung saan sumipa ang mga kaso ng COVID,” saad ni Roque.

“Ito pong March 14 data ay nagpapakita na itong nakalipas na linggo talaga ng Marso, diyan sumipa po talaga iyong mga numero ng COVID. So itong linggo lang naman po talaga siya sumipa,” dagdag ng opisyal.

Ayaw naman daw niyang sisihin ang ‘kapabayaan’ ng mga Pilipino subalit may kinalaman talaga sa pagdami ng kaso ang bagong variants na lumalabas.

“Tingin namin ‘yung kumpirmasyon na nasa Pilipinas na ‘yung mga bagong variants at itong mga variants ay mas nakakahawa, e ito’y isa sa mga dahilan ng surge. Hindi po dahil palpak ang gobyerno,” giit pa ni Roque.

Imahe mula sa ABS-CBN News

Sa pagbubukas naman ng ekonomiya, ipinaliwanag ni Roque na base sa datos simula Oktubre noong nakaraang taon, hanggang sa pangalawang linggo nitong Marso, ay wala namang nakitang biglaang pagsirit ng COVID.

Kahit pa umano noong Kapaskuhan ay hindi rin nangyari ang katulad nitong nakaraang linggo ng Marso kung kailan pumalo na sa mahigit 2,000 kaso kada araw ang naiuulat ng DOH.

“Hindi po talaga pagbubukas ng ekonomiya ang naging problema,” ayon kay Roque.

“So, I don’t think anyone should be blamed, kaya nga lang po it’s the nature of viruses to mutate and let’s just be thankful that it has mutated in a way na mas nakakahawa siya pero hindi po mas nakamamatay,” paliwanag pa ng kalihim.

Inamin naman ni Roque na kulang pa nga ang ginagawang contact tracing kaya umapela siya sa mga LGUs na lalo pa itong paigtingin ngayon.

Loading…