Pagsusuot ng face mask kahit nasa loob ng bahay inirerekomenda ng DOH

Imahe mula sa Depositphotos
  • Hinimok ng DOH ang pagsusuot ng face mask kahit nasa loob ng bahay
  • Makatutulong umano ito upang mapigilan ang tinatawag na ‘family clustering’ ng COVID
  • Posible raw kasing mahawahan ang mga matatandang karaniwang naiiwan sa bahay

Inirerekomenda ng Department of Health (DOH) sa publiko ang pagsusuot ng face mask maging sa loob ng kanilang bahay upang mapigilan ang tinatawag na ‘family clustering’ ng COVID-19.

Makatutulong daw ito upang maiwasang mahawahan ang kanilang mga kasamahan sa bahay lalo na iyong mga matatanda na mahihina ang resistensiya sa sakit.

Imahe mula sa BNN Bloomberg

Sa panayam kay DOH Epidemiology Bureau director Dr. Alethea de Guzman sa Unang Balita, sinabi ng opisyal na ang pagsusuot nf face mask sa loob ng bahay ay makapipigil sa pagkalat ng COVID sa isang household o pamilya.

“Lalo na po sa mga bahay na merong matatanda, merong mga kasama sa bahay na meron ding sakit katulad ng hypertension or diabetes, napakahalaga na nagfe-face mask tayo,” paliwanag ni Dr. De Guzman.

Karaniwan daw kasi na ang mga matatanda ang naiiwan sa bahay at mas batang kapamilya ay lumalabas at nagtatrabaho.

“So tayo ‘yung posibleng magdala ng mga infection na ito sa loob ng bahay at napakabilis po talaga mag-transmit within our homes,” ayon pa DOH official.

Screenshot mula sa DOH

Bukod dito, hinimok din ng DOH na ang mga nagpositibo sa COVID ay magpagaling sa mga quarantine facilities imbes na mag-home quarantine lamang.

“Kailangan maramdaman talaga nating lahat… na napakahalaga ng ginagawa nating minimum public health standards,” wika pa ni Dr. De Guzman.

Hanggang nitong Linggo, Marso 14, pumalo na sa  621,498 ang kabuuang bilang ng may COVID sa bansa matapos madagdagan ng 4,899 na panibagong kaso sa loob ng isang araw lamang.

Nasa 560,512 sa mga kasong ito ay gumaling na habang 48,157 naman ang nananatiling active cases.

Source :

GMA News, Remate, DOH

Loading…