Palasyo dinepensahan ang IATF: “’Di nila kasalanan na nag-mutate ang virus”

Imahe mula sa PNA
  • Dumepensa si Roque sa mga panawagang buwagin na ang IATF
  • Hindi naman daw kasalanan ng task force na nag-mutate ang virus
  • ‘Di rin umano incompetent ang IATF dahil base sa siyensya ang kanilang desisyon

Ipinagtanggol ng Malakanyang ang Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases sa gitna ng mga panawagang buwagin na ito dahil umano sa ‘kapalpakan’ ng mga opisyal na namumuno rito.

Ilang senador na ang nanawagan na palitan ang IATF ng mga health experts na siya raw tunay na nakauunawa sa sitwasyon at may sapat na kakayahan para tugunan ito.

Subalit sa press briefing nitong Martes, isinisisi ni Presidential Spokesperson ang biglaang paglobo ng kaso ng COVID sa bansa sa iba’t-ibang variants na nagsilabasan. Ani Roque, hindi ito kasalanan ng IATF.

Imahe mula kay Harry Roque

“Tanggapin natin o hindi, nag-mutate po ang mga virus at hindi naman po siguro kasalanan ng IATF na nag-mutate itong mga ito sa pamamaraan na mas nakakahawa sila,” wika ng tagapagsalita ng Palasyo.

Muli ring iginiit ng kalihim na tama pa rin ang ginagawa ng IATF at nasa maayos na kalagayan ang Pilipinas kung ikukumpara sa ibang bansa tulad ng Brazil, France at Russia.

Pinasaringan ni Roque ang mga kritiko ng administrasyon na bumabatikos sa IATF at sa gobyerno. Lumalakas na naman daw kasi ang ingay sa pulitika kaya marami ang nananawagang buwagin ang task force.

Ipinakita rin ng opisyal ang datos kung saan bumaba ang fatality rate dahil sa COVID-19 ng bansa sa 1.93% na lamang. Umakyat na rin daw sa 50,000 tests kada araw ang nagagawa kumpara sa 3,000 lamang noong Abril ng nakaraang taon.

Imahe mula sa PNA

“Hindi po iyan incompetence. Ang lahat po ng desisyon ng IATF ay nakabase po sa siyensya,” ayon sa kalihim.

“Pero intindihan n’yo naman walang makakapantay pagdating sa human capital ng IATF dahil buong bureaucracy ng gobyerno ay nagsama-sama po para sa ating response sa COVID-19,” pagmamalaki pa ni Roque.

Nakiusap din ang opisyal na huwag balewalain ang paghihirap ng mga medical at health frontliners, pati na ang mga nagtatrabaho sa iba’t-ibang sangay ng gobyerno. Bukod dito, tiniyak ni Roque na mararamdaman natin ang epekto ng ginagawang hakbang ng IATF makaraan ang dalawang linggo.

Loading…