Palasyo iginiit na ‘di na magbibigay ng ayuda ang gobyerno: “Puwedeng maghanapbuhay ang lahat”

Imahe mula sa AL Jazeera
  • ‘Di na magbibigay ng ayuda ang gobyerno ngayong nasa GCQ bubble ang NCR
  • Puwede naman umanong magtrabaho ang lahat kahit may lockdown
  • Ang mga LGUs raw ang siyang magbibigay ng ayuda sa mga lugar na nasa ‘granular lockdown’

Hindi na mamamahagi ang gobyerno ng ayuda sa mga mamamayan ngayong naka-GCQ bubble ang Metro Manila dahil kaya naman daw magtrabaho ng karamihan kahit naka-lockdown.

Ito ang naging paliwanag ng Malakanyang matapos tanungin kung bakit ayaw tawaging ‘lockdown’ ng pamahalaan ang ipinatutupad sa NCR gayung limitado na rin ang kilos ng mga tao. Ito raw ba ay nangangahulugan na wala nang pera ang gobyerno para ibigay bilang ayuda, ayon sa isang mamamahayag.

Screenshot mula sa Facebook video

Paliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, base sa karanasan ng gobyerno, mas marami ang maaapektuhan dahil sa kakulangan ng pangangailangan kesa sa COVID-19 kung ipagpapatuloy ang ‘economic lockdown’.

“So ang ginagawa nga natin instead ay ni-limit natin ang mobility pero at the same time, hinayaan nating bukas ang ekonomiya nang tayo po ay makapaghanap-buhay lahat,” wika ng kalihim.

Ayon pa sa kalihim, kahit pa tamaan ng COVID-19 ang isang tao ay maaari pa namang mag-trabaho in isolation basta’t ‘wag lang manghawa ng iba.

Malabo na rin umanong mamahagi pa ng ayuda ang gobyerno dahil patuloy naman ang kanilang suporta sa mga maliliit at medium enterprises sa pamamagitan ng mga pautang.

DF Photo file

Ito ay sa gitna ng mga tanong ng karamihan kung may ayuda ba uling darating tulad noong nasa ECQ ang bansa.

“Pero in terms of iyong sinasabi mong ayuda na gaya ng binigay natin sa ECQ, dahil hindi naman po natin pinipigil magtrabaho ang ating mga kababayan eh hindi na po tayo dapat magbigay ng ganoong ayuda dahil puwede pong maghanapbuhay ang lahat,” ani Roque.

Gayunpaman, sa pagkakaalam umano ng kalihim, ang mga local government units (LGUs) ay nagbibigay pa rin naman ng ayuda sa mga lugar na nasa ilalim ng granular lockdown.

Loading…