Palasyo itinangging ‘minaliit’ ng Pangulo ang krisis sa COVID

Screenshot mula sa RTVM Facebook video
  • Itinanggi ng Palasyo na minaliit ng Pangulo ang krisis sa COVID-19
  • Ang ibig sabihin lang daw ni Duterte ay babangon din tayong lahat mula sa krisis
  • Nabatikos ng ilang senador ang naging pahayag na ito ng Pangulo

Hindi minaliit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang umiiral na pandemya kung hindi tinitiyak lang nito sa mamamayang Pilipino na malalampasan din natin ang lahat at makababangon din tayo mula sa krisis.

Ganito ang ginawang paglilinaw ng Palasyo matapos punahin ng ilang senador ang naging pahayag ng Pangulo sa kaniyang televised public address Lunes nang gabi.

Screenshot mula sa RTVM Facebook video

Sa kaniyang linggohang pagharap sa publiko, hinikayat ng Pangulo ang lahat na huwag panghinaan ng loob dahil kakayanin umano  natin anumang paghihirap na nararanasan dahil sa COVID.

“Kaya natin ito COVID na ito. Maliit na bagay ito sa buhay natin. Marami tayong dinaanan mas ano, mas grabe, mas mahirap, mas magluluha kayo,” wika ng Pangulo.

“I know, lahat kayo, lalo na ‘yong mga kababayan ko nandiyan sa squatters’ area, lahat kayo, huwag kayong matakot at hindi ko kayo iiwanan,” dagdag pa nito.

Bilang reaksiyon, sinabi ni Senador Risa Hontiveros na maling sabihin umano ng presidente na ‘maliit na bagay’ lamang ang COVID lalo pa’t patuloy na lumalaki ang utang ng bansa dahil dito.

Imahe mula sa Facebook ni Sen. Risa Hontiveros

Ayon naman kay Senador Leila de Lima, ang ‘fatigue’ na nararanasan ngayon ng bawat isa na nais ipahiwatig ni Duterte sa kaniyang pahayag ay resulta ng isang taon ng ‘kurapsyon’ at kabiguan ng adminitrasyon na kontrolin ang krisis.

Hindi minamalit ang COVID

Subalit nilinaw ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang ibig lamang sabihin ng Pangulo ay patuloy pa rin umanong nabubuhay ang Pilipinas sa kabila ng COVID-19.

“Ang sinasabi ng Presidente, temporary lang ‘yan, hindi po iyan forever, lilipas po iyan. At pagdating po ng bakuna, magkakaroon tayo ng solusyon sa ating problema, pagkakaroon pong tayo ng new normal,” ani Roque.

Imahe mula kay Harry Roque

“Hindi po minamaliit ng Presidente ang ating paghihirap pero ang sinasabi po niya, babangon naman po tayo d’yan, we will heal as one,” dagdag na pahayag ng kalihim.

Sa kaniyang public address, tiniyak ng Pangulo na gagamitin ng gobyerno ang lahat ng pag-aari nito para labanan ang pandemya.

Subalit kailangan din umano ang kontribusyon ng lahat dahil ang labang ito ay hindi lamang kontra COVID, kung hindi laban na rin sa kawalan ng pag-asa.

Loading…