Palasyo kay Robredo: “Hindi namin siya pinag-aaksayahan ng panahon”

Imahe mula sa Panay News/ABS-CBN News
  • Inakusahan ng Palasyo ng pamumulitika si VP Leni Robredo
  • Hindi rin daw nila ito pinag-aaksayahan ng panahon
  • May buwelta naman ang kampo ni Robredo tungkol sa kung sino ang tunay na namumulitika

Inakusahan ng Malakanyang ng pamumulitika si Vice President Leni Robredo dahil sa patuloy umanong ‘batikos’ nito sa administrasyon. Bukod dito, iginiit din ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi nila ‘pinag-aaksayahan ng panahon’ ang Pangalawang Pangulo.

Nag-ugat ang iringang ito matapos sabihan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Robredo na ‘tumahimilk’ na lang dahil nagdudulot lang ng kalituhan sa madla ang kaniyang mga kritisismo, partikular na ang tungkol sa Sinovac vaccine.

Sinagot naman ito ni Robredo na nagsasabing mas pinag-aaksayahan ng panahon ng Malakanyang ang pagpuna  sa kaniya kaysa sa pagtatrabaho para masolusyunan ang kinakaharap na krisis ng bansa.

“Hindi namin siya pinag-aaksayahan ng panahon,” ani Roque sa kaniyang press briefing nitong Huwebes.

“Siya ang patuloy na namumulitika at nangangampanya na para maging Presidente sa pamamagitan ng walang tigil na birada sa administrasyon,” patuloy pa ng kalihim.

Imahe mula sa InterAksyon

Giit pa ni Roque, nakatutok sa trabaho ang Pangulo at wala sa isip nito ang pamumulitika. Subalit kailangan rin umano nilang sagutin ang mga batikos sa pamahalaan.

“Kinakailangan lang pong sumagot pero this has not deflected us from.. to serve the nation at the time of pandemic. Trabaho lang po kami, patuloy ang paninilbihan,” ayon pa sa opisyal.

Sino ang namumulitika?

Kaagad namang binalikan ng kampo ni Robredo ang banat ni Roque. Sa Twitter post ni Barry Gutierrez, ang tagapagsalita ng Bise Presidente, may pasaring ito kung sino ba talaga ang tunay na namumulitika.

Ibinahagi ni Gutierrez ang ilang screenshot kung saan mababasa ang ilang headlines tungkol sa mga parinig ni Roque kay Robredo, ang ‘Run Sara Run’ tarpaulins at artikulo tungkol sa posibleng pagtakbo ni Senador Bong Go.

Screesnhot mula sa Twitter

“Sino nga ulit ang namumulitika at nangangampanya SA GITNA NG PANDEMYA? Lantarang lokohan na ito,” anang caption nito.

Mas lalong lumalalim ang hidwaan ng dalawang pinakamataas na lider sa bansa habang nalalapit ang halalan sa 2022.

Bagama’t kapwa nagsabi ang mga kampo nina Robredo at Duterte na wala pa sa iniisip nila ngayon ang eleksyon, hindi maiaalis sa mga Pilipino ang mag-isip na may kinalaman sa pulitika ang kanilang patuloy na bangayan.

Loading…