Palasyo ‘nalulungkot’ dahil mas kumonti ang mga Pinoy na masaya noong 2020

Imahe mula sa SCMP
  • Bumaba ang puwesto ng Pilipinas sa World Happiness Report para sa taong 2020
  • Mula sa dating pang-52 ay nasa pang-61 na puwesto na lamang ang bansa
  • Nalulungkot naman ang Palasyo subalit ito daw ay epekto talaga ng pandemya

Sabi ng karamihan, ang mga Pinoy ay likas na masayahin kahit pa anong suliranin, sakuna, kalamidad at paghihirap ang mapagdaanan.

Subalit ngayong taon ng pandemya, mukhang nabawasan ang kasiyahan ng mga Pinoy dahil na rin sa walang katiyakang sitwasyon ng ekonomiya ng bansa at pangamba sa pangkalahatang kalusugan ng mga mamamayan.

Noong isang araw ay inilabas ng United Nations Sustainable Development Solutions Network ang 2021 World Happiness Report nito mula sa data na nakalap ng Gallup World Poll at Lloyd’s Register Foundation.

Screenshot mula sa World Happiness Report

Dito ay lumabas na mas kumonti ang mga Pilipinong masaya para sa taong 2018 hanggang 2020.

Mula sa dating 52nd spot noong huling World Happiness Report, bumaba ng siyam na baytang ang Pilipinas na nasa ika-61 puwesto na lamang mula sa 149 na bansang nakasama sa listahan matapos makakuha ng average score na 5.88.

Gayunpaman, nabanggit din sa report na kaunti lamang ang naging pagbabago sa ranking ng mga bansa dahil sa COVID-19 at indikasyon umano ito ng “widely shared resilience” ng mga tao sa buong mundo.

Imahe mula sa ABS-CBN News

Samantala, nalulungkot naman ang Palasyo sa nabanggit na ulat subalit epekto daw talaga ito ng pandemya.

“Well, nalulungkot tayo na naging mas kakaunti iyong mga maligaya sa ating bansa ngayon, pero ito po ay epekto ng pandemya,” pahayag ni Roque matapos kunan ng reaksiyon tungkol dito.

Sa kabila nito, ayon pa sa kalihim, umaasa silang mababago ang kalagayan ng mga tao kapag dumating na ang bakuna at maturukan sila.

“Nandiyan na naman po ang, kumbaga, pag-asa natin sa pagdating ng mga bakuna so inaasahan po natin na matapos mabakunahan ang lahat ay mas liligaya muli ang mga Pilipino,” wika pa ni Roque.

Loading…